Publicidade

3 João 1

1 Mula sa matandang pinuno ng iglesya,

Mahal na kaibigang Gayo, na minamahal kong tunay:

2 Mahal kong kaibigan, idinadalangin kong sanaʼy malusog ang iyong katawan at nasa mabuti kang kalagayan na tulad ng iyong buhay espirituwal na nasa mabuting kalagayan. 3 Labis akong nagalak nang dumating dito ang ilang mga kapatid at nagpatotoo sila na tapat ka sa katotohanan at namumuhay ka ayon dito. 4 Wala nang higit na makapagpapasaya sa akin kundi ang malamang namumuhay ayon sa katotohanan ang mga anak ko sa pananampalataya.

5 Mahal kong kaibigan, ikaw ay tapat sa iyong pag-aasikaso sa mga kapatid na galing sa ibang lugar, kahit hindi mo sila kakilala. 6 Ibinalita nila sa iglesya rito ang tungkol sa pag-ibig mo. Pakitulungan sila sa paraang kalugod-lugod sa Diyos na maipagpatuloy ang kanilang paglalakbay. 7 Sapagkat pumupunta sila sa ibaʼt ibang lugar alang-alang kay Kristo nang hindi tumatanggap ng kahit anong tulong mula sa mga Hentil. 8 Kaya dapat natin silang tulungan, upang maging kabahagi tayo sa kanilang gawain para sa katotohanan.

9 Sumulat ako sa iglesya diyan tungkol sa bagay na ito, ngunit hindi kami kinilala ni Diotrefes na naghahangad na mamuno sa inyo. 10 Kaya kapag pumunta ako diyan, isisiwalat ko ang mga pinaggagawa niya at ang mga paninirang ikinakalat niya tungkol sa amin. Bukod pa rito, hindi rin niya pinapatuloy ang mga kapatid na galing sa ibang lugar, at pinagbabawalan pa niya ang iba na tumulong sa kanila. At ang mga gusto namang tumulong ay pinapaalis niya sa iglesya.

11 Mahal kong kaibigan, huwag mong gayahin ang masamang ginagawa ng taong iyan. Sa halip, gawin mo ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay mula sa Diyos, at ang gumagawa ng masama ay hindi nakakakilala sa Diyos. 12 Si Demetrio ay kapatid nating pinupuri ng lahat, at nakikita sa buhay niya na sumusunod siya sa katotohanan. Kami rin ay nagpapatotoo na mabuti siyang tao, at alam mong mapagkakatiwalaan ang sinasabi namin.

13 Marami pa sana akong sasabihin sa iyo, ngunit ayaw kong sabihin sa sulat na ito. 14 Umaasa akong magkikita tayo sa lalong madaling panahon at makakausap kita.

15 Sumaiyo nawa ang kapayapaan.

Kinukumusta ka ng mga kaibigan natin dito. Ikumusta mo rin ako sa bawat isa sa mga kaibigan natin diyan.

Veja também

Publicidade
3 João
Ver todos os capítulos de 3 João
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_06-50-08-