Ang Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga
1 Isang Araw ng Pamamahinga, naglalakad sina Hesus sa triguhan. Nagugutom noon ang kanyang mga alagad kaya namitas sila ng trigo at kinain ang mga butil. 2 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Hesus, "Tingnan mo ang mga alagad mo! Ginagawa nila ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga."
3 Sinagot sila ni Hesus, "Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? 4 Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain nila ng mga kasamahan niya ang tinapay na inihandog sa Diyos kahit na labag sa Kautusan na kainin iyon ninuman maliban sa mga pari. 5 At hindi rin ba ninyo nabasa sa Kautusan na ang mga pari ay nagtatrabaho sa Templo kahit sa Araw ng Pamamahinga? Isa itong paglabag sa kautusan ng Araw ng Pamamahinga, ngunit hindi sila nagkasala. 6 Sinasabi ko sa inyo: May naririto ngayon na mas dakila pa kaysa sa Templo. 7,8 Sapagkat ang Anak ng Tao ang siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga. Kung alam lang sana ninyo ang ibig sabihin ng sinasabi ng Kasulatan, ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo,’12:7-8 Hos. 6:6. hindi sana ninyo hinatulan ang mga taong walang kasalanan."