Naglakad si Hesus sa Ibabaw ng Tubig
22 Pagkatapos, pinasakay agad ni Hesus sa bangka ang mga alagad niya at pinauna sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 23 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siyang mag-isa sa isang bundok para manalangin. Inabot na siya roon ng gabi. 24 Sa oras na iyon, malayo na ang bangkang sinasakyan ng mga alagad niya. Sinasalpok ng malalaking alon ang bangka nila dahil pasalungat ito sa hangin.
25 Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Pagkakita ng mga alagad na may naglalakad sa tubig, kinilabutan sila. At napasigaw sila ng "Multo!" dahil sa matinding takot.
27 Ngunit agad na nagsalita si Hesus, "Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob."
28 Sumagot si Pedro sa kanya, "Panginoon, kung kayo nga iyan, papuntahin nʼyo ako diyan na naglalakad din sa tubig."
29 "Halika," sabi ni Hesus.
Kaya bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa tubig patungo kay Hesus. 30 Ngunit nang mapansin niyang malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog. Kaya sumigaw siya, "Panginoon, iligtas nʼyo ako!"
31 Agad naman siyang inabot ni Hesus at sinabi, "Kay liit ng pananampalataya mo. Bakit ka nag-alinlangan?"
32 Pagkasakay nilang dalawa sa bangka, biglang tumigil ang malakas na hangin. 33 At sinamba siya ng mga nasa bangka at sinabi, "Talagang kayo nga po ang Anak ng Diyos."