Pinagaling ni Hesus ang Batang Sinasapian ng Demonyo
14 Pagbalik nina Hesus sa kinaroroonan ng maraming tao, lumapit sa kanya ang isang lalaki, lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, 15 "Panginoon, maawa po kayo sa aking anak. May epilepsiya po siya at labis ang paghihirap niya kapag sinusumpong. Madalas siyang matumba sa apoy at madalas din siyang mahulog sa tubig. 16 Dinala ko siya sa mga alagad nʼyo, ngunit hindi po nila mapagaling."
17 Sumagot si Hesus, "Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!" 18 Sinaway ni Hesus ang masamáng espiritu at lumabas ito sa bata. At gumaling ang bata noon din.