Pinagaling ni Hesus ang Batang Sinasapian ng Demonyo
14 Pagbalik nina Hesus sa kinaroroonan ng maraming tao, lumapit sa kanya ang isang lalaki, lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, 15 "Panginoon, maawa po kayo sa aking anak. May epilepsiya po siya at labis ang paghihirap niya kapag sinusumpong. Madalas siyang matumba sa apoy at madalas din siyang mahulog sa tubig. 16 Dinala ko siya sa mga alagad nʼyo, ngunit hindi po nila mapagaling."
17 Sumagot si Hesus, "Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!" 18 Sinaway ni Hesus ang masamáng espiritu at lumabas ito sa bata. At gumaling ang bata noon din.
19 Nang sila-sila na lang, lumapit kay Hesus ang kanyang mga alagad at nagtanong, "Bakit hindi po namin mapalayas ang demonyo?"
20 Sumagot si Hesus, "Dahil mahina ang pananampalataya ninyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo na kahit kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at lilipat nga ito. Walang bagay na hindi ninyo magagawa. [ 21 Ngunit ang ganoong uri ng demonyo ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin at pag-ayuno.]"17:21 Wala ang talatang ito sa ilang manuskrito.