Ang Katuruan tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa
1 Pagkatapos ipangaral ni Hesus ang mga bagay na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa lalawigan ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. 2 Maraming tao ang sumunod sa kanya at pinagaling niya sila sa kanilang mga sakit.
3 May mga Pariseong pumunta sa kanya para subukin siya. Kaya nagtanong sila, "Ipinapahintulot ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa kahit anong dahilan?"
4 Sumagot si Hesus, "Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan na sa simula pa lang, nang likhain ng Diyos ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae’19:4 Gen. 1:27; 5:2.? 5 At sinabi pa niya, ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’19:5 Gen. 2:24. 6 Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Diyos."
7 Nagtanong uli ang mga Pariseo, "Ngunit bakit sinabi ni Moises na pinapayagang hiwalayan ng lalaki ang asawa niya, bastaʼt bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay?"19:7 Deu. 24:1.
8 Sumagot si Hesus sa kanila, "Ipinahintulot ito ni Moises sa inyo dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit hindi iyan ang layunin ng Diyos mula sa simula. 9 Kaya sinasabi ko sa inyo, kung hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa anumang dahilan maliban sa seksuwal na imoralidad, at pagkatapos ay mag-asawa ng iba, nagkasala siya ng pangangalunya. [ At ang nag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.]19:9 Wala ang mga salitang ito sa ilang manuskrito."
10 Sinabi ng mga alagad ni Hesus, "Kung ganyan po pala ang panuntunan sa pag-aasawa, mabuti pang huwag na lang mag-asawa."
11 Sumagot si Hesus, "Hindi matatanggap ng lahat ang katuruang ito, maliban na lang sa mga taong pinagkalooban nito. 12 May ibaʼt ibang dahilan kung bakit may mga taong hindi nag-aasawa. Mayroong ipinanganak na may kapansanan; ang iba namaʼy sinadyang kapunin ng ibang tao; at ang ibaʼy pinili nilang hindi mag-asawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Ang sinumang may kayang tumanggap sa aral na ito, dapat niya itong tanggapin."