Ang Lalaking Mayaman at ang Kaharian ng Diyos
16 May isang lalaki naman na lumapit kay Hesus at nagtanong, "Guro, ano po ang mabuti kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?"
17 Sumagot si Hesus, "Bakit itinatanong mo sa akin kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti, at walang iba kundi ang Diyos. Kung gusto mong magkaroon ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos niya."
18 "Alin po sa mga ito?" tanong ng lalaki.
Sumagot si Hesus, "Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, 19 igalang mo ang iyong mga magulang19:19 Exo. 20:12-16; Deu. 5:16-20., at ‘mahalin mo ang kapwa mo tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’19:19 Lev. 19:18."
20 Sinabi ng lalaki, "Sinusunod ko po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang kulang sa akin?"
21 Sumagot si Hesus, "Kung nais mong maging ganap, umuwi ka at ipagbili ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo ang mapagbebentahan sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin."
22 Nang marinig iyon ng binata, umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya.
23 Kaya sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, "Sinasabi ko sa inyo ang totoo, napakahirap para sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng Langit. 24 Mas madali pang makapasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa makapasok ang isang mayaman sa kaharian ng Diyos."
25 Nabigla ang mga alagad nang marinig nila ito, kaya nagtanong sila, "Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?"
26 Tiningnan sila ni Hesus at sinabi, "Imposible ito sa tao; ngunit sa Diyos, ang lahat ay posible."
27 Nagsalita si Pedro, "Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat para sumunod sa inyo. Ano po ang mapapala namin?"
28 Sumagot si Hesus, "Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang araw na babaguhin ng Diyos ang mundo, at ang Anak ng Tao ay uupo sa kanyang dakilang trono. At kayong mga alagad ko ay uupo rin sa labindalawang trono upang husgahan ang labindalawang lahi ng Israel. 29 At ang sinumang iniwan ang kanyang bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin ay tatanggap ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan, at tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan. 30 Maraming dakila ngayon ang magiging hamak, at maraming hamak ngayon ang magiging dakila."