Ang Katanungan tungkol sa Pagbabayad ng Buwis
15 Umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila mahuhuli si Hesus sa kanyang mga pananalita. 16 Kaya pinapunta nila kay Hesus ang ilan sa kanilang mga kasamahan at ang ilan sa mga alagad ni Herodes. Sinabi ng mga ito, "Guro, alam po namin na totoo ang mga sinasabi ninyo. Itinuturo nʼyo ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Diyos. Wala kayong pinapanigan, dahil hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao. 17 Ano sa palagay nʼyo? Nararapat po bang magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma o hindi?"
18 Ngunit alam ni Hesus ang masama nilang balak, kaya sinabi niya, "Mga pakitang-tao! Bakit ninyo ako sinusubok? 19 Patingin nga ng perang ipinambabayad ng buwis." Iniabot nila sa kanya ang pera. 20 Tinanong sila ni Hesus, "Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?"
21 Sumagot sila, "Sa Emperador."
Kaya sinabi niya sa kanila, "Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador, at sa Diyos ang sa Diyos."
22 Namangha sila nang marinig ang sagot ni Hesus, kaya iniwan nila siya.