Ang Katanungan tungkol sa Muling Pagkabuhay
23 Sa araw ding iyon, lumapit at nagtanong kay Hesus ang ilang mga Saduceo. Sila ang mga taong hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. 24 Sinabi nila, "Guro, sinabi ni Moises na kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa asawa niya, dapat pakasalan ng kanyang kapatid ang naiwan niyang asawa upang magkaanak sila para sa kanya.22:24 Deu. 25:5. 25 Noon ay may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. 26 Ngunit namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. 27 At kinalaunan, namatay din ang babae. 28 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil naging asawa niya silang lahat?"
29 Sumagot si Hesus, "Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na mag-aasawa ang mga tao. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit. 31 Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang sinabi ng Diyos sa inyo? Sinabi niya, 32 ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’22:32 Exo. 3:6. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay."
33 Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang pagtuturo.