Babala laban sa Mapagkunwari
1 Pagkatapos, nagsalita si Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad. 2 Sinabi niya, "Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. 3 Kaya dapat ninyong pakinggan at sundin ang lahat ng itinuturo nila sa inyo. Ngunit huwag ninyong gayahin ang mga ginagawa nila dahil hindi nila ginagawa ang mga itinuturo nila. 4 Ipinapatupad nila sa inyo ang napakabibigat nilang kautusan, ngunit sila mismo ay ayaw man lang kayong tulungan kahit na kaunti.
5 "Ang lahat ng ginagawa nila ay pakitang-tao lang. Nilalakihan nila ang kanilang mga pilakterya23:5 pilakterya: Maliit na kahon na nakabigkis sa kanilang mga noo at braso, na naglalaman ng mga talata mula sa Kasulatan. at hinahabaan ang laylayan ng kanilang mga damit. 6 Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa mga handaan at mga sinagoga. 7 At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar at tawaging ‘Rabbi’.