15 Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ng gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na pipiliin ng mga tao. 16 Noong panahong iyon, may isang bilanggong kilala sa kasamaan na ang pangalan ay Barabas. 17 Nang magtipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, "Sino ang gusto ninyong palayain ko? Si Barabas o si Hesus na tinatawag na Mesias?" 18 Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa pamunuan ng mga Hudyo na dalhin sa kanya si Hesus.
19 Habang nakaupo si Pilato sa hukuman, nagpadala ang kanyang asawa ng ganitong mensahe: "Huwag mong pakialaman ang taong iyan na walang kasalanan, sapagkat nabagabag ako nang husto dahil sa panaginip ko tungkol sa kanya."
20 Ngunit sinulsulan ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Hudyo ang mga tao na hilingin kay Pilato na si Barabas ang palayain, at si Hesus ang ipapatay.
21 Kaya nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, "Sino sa dalawa ang gusto ninyong palayain ko?"
Sumigaw sila, "Si Barabas!"
22 Nagtanong pa ulit si Pilato, "Ano ngayon ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Mesias?"
Sumagot ang mga tao, "Ipako siya sa krus!"
23 Tinanong sila ni Pilato, "Bakit, ano ba ang nagawa niyang kasalanan?"
Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, "Ipako siya sa krus!"
24 Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa dahil nagsisimula nang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao at sinabi, "Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Kayo ang dapat managot. Malinis ang kamay ko sa bagay na ito."
25 Sumagot ang mga tao, "Kami at ang mga anak namin ang mananagot sa kanyang kamatayan!"
26 Pagkatapos, pinalaya ni Pilato si Barabas. Ngunit si Hesus ay ipinahagupit niya at saka ibinigay sa mga sundalo para ipako sa krus.
Hinamak ng mga Sundalo si Hesus
27 Dinala ng mga sundalo si Hesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya. 28 Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa. 29 Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang isang tungkod sa kanyang kanang kamay. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, "Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!" 30 Dinuraan nila si Hesus at kinuha ang tungkod na hawak niya at paulit-ulit nilang inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos nilang kutyain si Hesus, hinubad nila sa kanya ang kapa at isinuot muli sa kanya ang damit niya. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod para ipako sa krus.