Ang Pagkamatay ni Hesus
45 Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. 46 Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Hesus nang malakas, "Eli, Eli, lema sabachtani?" na ang ibig sabihin ay "Diyos ko, Diyos ko, bakit nʼyo ako pinabayaan?"27:46 Salmo 22:1.
47 Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, "Tinatawag niya si Elias."
48 Agad namang tumakbo ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Hesus para sipsipin niya. 49 Ngunit sinabi naman ng iba, "Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya."
50 Muling sumigaw nang malakas si Hesus at pagkatapos ay ipinaubaya niya ang kanyang espiritu sa Diyos.
51 Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng Templo. Lumindol sa buong lupain, nagkabitak-bitak ang mga bato 52 at nabuksan ang mga libingan, at muling nabuhay ang maraming banal27:52 banal: Sa Griyego, hagios, na ang ibig sabihin ay "itinuring ng Diyos na kanya." na namatay. 53 Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Hesus, pumunta sila sa banal na lungsod ng Jerusalem at marami ang nakakita sa kanila.
54 Ang kapitan ng mga sundalo at mga kasama niyang nagbabantay kay Hesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang lahat ng mga pangyayari. Sinabi nila, "Totoo ngang siya ang Anak ng Diyos!"
55 Sa di-kalayuan ay maraming babae ang nanonood sa mga pangyayari. Noong umalis si Hesus sa Galilea, sumunod ang mga babaeng ito sa kanya at tinulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. 56 Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang asawa ni Zebedeo.