Pinagaling ni Hesus ang mga Sinapian ng Demonyo
28 Pagdating ni Hesus sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Gadareno8:28 Gadareno: Sa ilang manuskritong Griyego, Geraseno o Gergeseno., sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasapian ng demonyo na galing sa mga kuwebang libingan. Napakabangis nila, kaya walang makadaan doon. 29 Sumigaw sila, "Ano ang pakay mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos? Pumunta ka ba rito para pahirapan kami kahit hindi pa takdang panahon?"
30 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng baboy na kumakain. 31 Nagmakaawa ang mga demonyo sa kanya, "Kung palalayasin mo kami, papuntahin mo na lang kami sa mga baboy na iyon."
32 Sinabi niya, "Sige, lumayas na kayo!" Kaya lumabas sila sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang buong kawan ng baboy pababa ng burol, nahulog sa lawa at nalunod. 33 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng mga baboy papunta sa bayan at ipinamalita roon ang buong pangyayari, pati na ang nangyari sa dalawang lalaking sinapian ng demonyo. 34 Kaya lumabas ang mga tao sa bayang iyon para puntahan si Hesus, at nang makita nila siya, nakiusap sila na lisanin niya ang lupain nila.