Publicidade

Cânticos 8

Pagsasama ng kasintahang lalake at babae sa walang hanggang pagibig.

1 Oh ikaw sana'y naging aking kapatid,

Na humitit ng mga suso ng aking ina!

Pagka nasumpungan kita sa labas, hahagkan kita;

Oo, at walang hahamak sa akin.

2 Aking papatnubayan ka, at dadalhin kita sa bahay ng aking ina,

Na magtuturo sa akin;

Aking paiinumin ka ng hinaluang alak,

Ng katas ng aking granada.

3 Ang kaniyang kaliwang kamay ay malalagay sa ilalim ng aking ulo,

At ang kaniyang kanang kamay ay yayakap sa akin.

4 Pinagbibilinan ko kayo, Oh mga anak na babae ng Jerusalem,

Na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang sinta ko,

Hanggang sa ibigin niya.

5 Sino itong umaahong mula sa ilang,

Na humihilig sa kaniyang sinisinta?

Sa ilalim ng punong mansanas ay ginising kita:

Doon nagdamdam sa iyo ang iyong ina,

Doon nagdamdam yaong nanganak sa iyo.

6 Ilagay mo akong pinakatatak sa iyong puso,

Pinakatatak sa iyong bisig:

Sapagka't ang pagsinta ay malakas na parang kamatayan,

Panibugho ay mabagsik na parang Sheol:

Ang mga liyab niyaon ay parang mga liyab ng apoy,

Isang pinaka liyab ng Panginoon.

7 Ang maraming tubig ay hindi makapapatay sa pagsinta,

Ni mapauurong man ng mga baha;

Kung ibigay ng lalake ang lahat na laman ng kaniyang bahay dahil sa pagsinta,

Siya'y lubos na kukutyain.

8 Tayo'y may isang munting kapatid na babae, At siya'y walang mga suso:

Ano ang ating gagawin sa ating kapatid na babae

Sa araw na siya'y ipakikiusap?

9 Kung siya'y maging isang kuta,

Pagtatayuan natin siya ng moog na pilak:

At kung siya'y maging isang pintuan,

Ating tatakpan ng mga tablang sedro.

10 Ako'y isang kuta, at ang aking mga suso ay parang mga moog niyaon:

Ako nga'y naging sa harap ng kaniyang mga mata ay parang nakakasumpong ng kapayapaan.

11 Si Salomon ay may ubasan sa Baal-hamon;

Kaniyang pinaupahan ang ubasan sa mga tagapamahala;

Bawa't isa'y nagdadala dahil sa bunga niyaon ng isang libong putol na pilak.

12 Ang aking ubasan na akin ay nasa harap ko;

Ikaw, Oh Salomon, ay magkakaroon ng libo,

At ang nangagiingat ng bunga niyaon ay dalawang daan.

13 Ikaw na tumatahan sa mga halamanan,

Ang mga kasama ay nangakikinig ng iyong tinig:

Iparinig mo sa akin.

14 Ikaw ay magmadali, sinisinta ko,

At ikaw ay maging parang usa o batang usa

Sa mga bundok ng mga especia.

Veja também

Publicidade
Cânticos
Ver todos os capítulos de Cânticos
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-