1 Kayong mga babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa, upang kung ang asawa ninyoʼy hindi pa naniniwala sa salita ng Diyos, maaaring madala nʼyo sila sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuti ninyong pag-uugali kahit na hindi kayo magsalita. 2 Sapagkat nakikita nilang may takot kayo sa Diyos at malinis ang pamumuhay ninyo. 3 Huwag ninyong pagkaabalahan ang panlabas na kagandahan na mula sa pag-aayos ng buhok, pagsusuot ng mga gintong alahas, at mamahaling mga kasuotan. 4 Sa halip, ang inyong kagandahan ay dapat magmula sa kalooban – ang kagandahang hindi kumukupas, na bunga ng maamo at mahinahong espiritu, na siyang mahalaga sa paningin ng Diyos. 5 Sapagkat noong unang panahon, ito ang pagpapagandang ginawa ng mga banal na babaeng nagtitiwala sa Diyos. At nagpasakop sila sa kani-kanilang mga asawa. 6 Ganoon ang ginawa ni Sara. Sinunod niya si Abraham at tinawag pa niyang panginoon. Maituturing kayong mga anak ni Sara, kung matuwid ang inyong ginagawa, at kung wala kayong kinatatakutan.
7 Kayo namang mga lalaki, pakisamahan ninyong mabuti ang inyong asawa, dahil ito ang nararapat bilang isang Kristiyano. Igalang nʼyo sila bilang mga babaeng mas mahina kaysa sa inyo, dahil binigyan din sila ng Diyos ng buhay na walang hanggan katulad ninyo. Kapag ginawa nʼyo ito, sasagutin ng Diyos ang mga panalangin ninyo.
8 Ngayon, narito ang ilan ko pang bilin sa inyong lahat: Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan. Magmahalan kayo bilang magkakapatid. Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isaʼt isa. 9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, at huwag din ninyong gantihan ng pang-iinsulto ang mga nang-iinsulto sa inyo. Ang dapat ninyong gawin ay manalangin na pagpalain sila ng Diyos, dahil pinili kayo ng Diyos na gawin ito, at upang pagpalain din niya kayo. 10 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan:
"Ang sinumang nagnanais
ng maligaya at masaganang pamumuhay
ay hindi dapat magsalita ng masama
at iwasang magsabi ng kasinungalingan.
11 Dapat lumayo siya sa masama at gawin ang mabuti.
Pagsikapan niyang kamtin ang kapayapaan.
12 Sapagkat iniingatan ng Panginoon ang matuwid,
at sinasagot niya ang kanilang mga panalangin,
ngunit galit siya sa mga gumagawa ng masama."
13 Sino ang mananakit sa inyo kung masigasig kayong gumagawa ng mabuti? 14 Ngunit kahit na maghirap kayo dahil sa paggawa ng tama, mapalad kayo. Kaya "huwag kayong matakot sa kanila at huwag kayong kabahan." 15 Alalahanin nʼyong si Kristo ang dapat ninyong parangalan nang buong puso at sundin bilang Panginoon. Dapat palagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo. 16 Ngunit maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagsagot. Tiyakin ninyong laging malinis ang inyong konsensiya, upang mapahiya ang mga taong minamasama ang mabubuti ninyong gawa bilang mga alagad ni Kristo. 17 Mas mabuti pang magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti, kung ito talaga ang kalooban ng Diyos, kaysa sa magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Kristo ngaʼy pinatay kahit wala siyang ginawang masama. At minsan lamang siyang namatay upang mapatawad ang mga kasalanan natin. Siya na walang kasalanan ay pinatay alang-alang sa ating mga makasalanan, upang madala niya tayo sa Diyos. Pinatay ang kanyang katawan ngunit binuhay siya ayon sa Espiritu. 19 At sa kalagayan niyang espirituwal, nangaral siya kahit sa mga espiritu ng mga taong nakabilanggo, 20 na hindi sumunod sa Diyos noong panahon ni Noe. Sa panahong iyon, matiyagang hinintay ng Diyos ang pagsampalataya nila sa kanya habang ginagawa ang barko. Ngunit walong tao lang ang sumampalataya at pumasok sa barko at nakaligtas sa tubig. 21 Ang tubig na itoʼy larawan ng bautismong nagliligtas sa atin sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesu-Kristo. Hindi ito paghuhugas ng dumi sa katawan, kundi pangako natin sa Diyos na hindi na tayo gagawa ng anumang bagay na alam nating labag sa kalooban niya. 22 Si Hesu-Kristo ay nasa langit na ngayon, sa kanan ng Diyos, at ipinasakop sa kanya ang lahat ng anghel at ang lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.