Publicidade

2 Pedro 1

1 Mula kay Simon Pedro na lingkod at apostol ni Hesu-Kristo,

Sa mga tulad naming tumanggap ng napakahalagang pananampalataya sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Hesu-Kristo:

2 Sumainyo nawa ang nag-uumapaw na biyaya at kapayapaan dahil sa pagkakakilala ninyo sa ating Diyos at Panginoong Hesus.

Ang Pagtawag at Pagpili ng Diyos

3 Ang kapangyarihan ng Diyos ang nagbigay sa atin ng lahat ng kailangan natin upang makapamuhay tayong may kabanalan. Itoʼy sa pamamagitan ng pagkakakilala natin sa kanya na tumawag sa atin. Tinawag niya tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan niya at kabutihan. 4 At sa pamamagitan din nito, ipinagkaloob niya sa atin ang mahahalaga at dakila niyang mga pangako. Ginawa niya ito upang makabahagi tayo sa kabanalan ng Diyos at matakasan ang mapanirang pagnanasa na umiiral sa mundong ito.

5 Dahil dito, pagsikapan ninyong maidagdag sa pananampalataya nʼyo ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; 6 sa kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili, ang pagtitiis; sa pagtitiis, ang kabanalan; 7 sa kabanalan, ang pag-ibig sa mga kapatid kay Kristo; at sa pag-ibig sa mga kapatid kay Kristo, ang pag-ibig sa lahat. 8 Sapagkat kung ang mga katangiang ito ay nasa inyo at lumalago, nagiging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang pagkakakilala nʼyo sa ating Panginoong Hesu-Kristo. 9 Ngunit ang mga nagkukulang sa mga katangiang ito ay mga bulag sa katotohanan. Nakalimutan na nilang nilinis na sila ng Diyos sa dati nilang mga kasalanan.

10 Kaya nga, minamahal kong mga kapatid kay Kristo, pagsikapan ninyong mapatunayan na mga tinawag nga kayo at pinili ng Diyos. Sapagkat kung gagawin nʼyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod, 11 kundi buong galak kayong tatanggapin sa walang katapusang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesu-Kristo.

Ang Kasulatang Naipahayag

12 Kaya palagi ko kayong pinapaalalahanan tungkol sa mga bagay na ito, kahit alam nʼyo na ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang tinanggap ninyo. 13 At sa palagay ko, nararapat lang na paalalahanan ko kayo sa mga bagay na ito habang nabubuhay pa ako, 14 dahil alam kong hindi na ako magtatagal sa mundong ito. Ang ating Panginoong Hesu-Kristo mismo ang nagpahayag nito sa akin. 15 Kaya gagawin ko ang lahat upang matiyak kong maaalala nʼyo pa rin ang mga itinuro ko kahit wala na ako rito.

16 Ang mga ipinangaral namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Hesu-Kristo ay hindi kuwentong gawa-gawa lang. Nasaksihan namin mismo ang kadakilaan niya. 17 Sapagkat nang parangalan at papurihan si Hesu-Kristo ng Diyos Ama, narinig namin ang tinig ng Makapangyarihang Diyos na nagsasabi, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan." 18 Narinig namin mismo ang tinig na nanggaling sa langit noong kasama namin si Hesus doon sa banal na bundok.

19 Dahil nga rito, lalong tumibay ang paniniwala namin sa mga ipinahayag ng mga propeta noon. Kaya nararapat lang na bigyan nʼyo ng pansin ang mga sinabi nila, dahil para itong ilaw na tumatanglaw sa madilim na lugar hanggang sa araw ng pagdating ng Panginoon. Tulad siya ng tala sa umaga na nagbibigay-liwanag sa isipan ninyo. 20 Higit sa lahat, dapat ninyong tandaan na walang propesiya sa Kasulatan ang nanggaling sa sariling pang-unawa ng mga propetang naghayag nito. 21 Sapagkat hindi galing sa sarili nilang kalooban ang mga ipinangaral nila kundi sa Banal na Espiritu na nag-udyok sa kanila para sabihin ang salita ng Diyos.

Veja também

Publicidade
2 Pedro
Ver todos os capítulos de 2 Pedro
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-