1 Mula kay Pablo na apostol ni Kristo Hesus ayon sa kalooban ng Diyos. Sinugo ako ng Diyos upang ipahayag ang tungkol sa buhay na ipinangako niyang makakamtan nating mga nakay Kristo Hesus,
2 Kay Timoteo na minamahal kong anak:
Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang nagmumula sa Diyos Ama at kay Kristo Hesus na ating Panginoon.
3 Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinaglilingkuran ko nang may malinis na konsensiya, tulad ng ginawa ng mga ninuno ko. Nagpapasalamat ako sa kanya sa tuwing inaalala kita sa panalangin araw at gabi. 4 Kapag naaalala ko ang pag-iyak mo noong umalis ako, nasasabik akong makita ka upang maging lubos ang aking kagalakan. 5 Hindi ko makakalimutan ang tapat mong pananampalataya na naunang tinaglay ng iyong Lola Loida at ng iyong inang si Eunice, at natitiyak kong nasa iyo rin ito ngayon.
6 Dahil dito, pinaaalalahanan kita na lalo ka pang maging masigasig sa paggamit ng kakayahang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, na tinanggap mo nang patungan kita ng kamay. 7 Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili. 8 Kaya huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon o tungkol sa akin na isang bilanggo dahil sa kanya. Sa halip, sa tulong ng Diyos ay makibahagi ka sa mga pagtitiis dahil sa Magandang Balita. 9 Iniligtas at tinawag tayo ng Diyos upang mamuhay nang banal, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa layunin at biyaya na ibinigay sa atin ni Kristo Hesus bago pa nagsimula ang mundo. 10 Ngunit nahayag lang ito nang dumating si Kristo Hesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ng kapangyarihan ang kamatayan at ipinahayag sa atin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.
11 Pinili ako ng Diyos na maging apostol at guro para ipahayag ang Magandang Balitang ito. 12 Ito ang dahilan kaya ako dumaranas ng mga paghihirap. Ngunit hindi ko ito ikinakahiya, dahil kilala ko kung sino ang sinasampalatayanan ko at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.
13 Ituro mo ang tamang aral na natutunan mo sa akin, nang may pananampalataya at pag-ibig dahil ito ang karapat-dapat gawin ng mga nakay Kristo Hesus. 14 Sa tulong ng Banal na Espiritu na nasa atin, ingatan mo ang tamang aral na ipinagkatiwala ko sa iyo.
15 Alam mong tinalikuran ako ng halos lahat ng mga kapatid sa probinsya ng Asia, pati na sina Figelo at Hermogenes.
16 Kaawaan sana ng Panginoon si Onesiforo at ang pamilya niya, dahil palagi niya akong tinutulungan, at hindi niya ako ikinahiya kahit na akoʼy isang bilanggo. 17 Sa katunayan, nang dumating siya sa Roma, sinikap niya akong hanapin hanggang sa matagpuan niya ako. 18 At alam na alam mo kung paano niya ako tinulungan noong nasa Efeso ako. Kaawaan sana siya ng Panginoon sa Araw ng Paghuhukom.