1 Mga anak, sundin ninyo ang mga magulang ninyo alang-alang sa Panginoon dahil ito ang nararapat gawin. 2 "Igalang mo ang iyong amaʼt ina." Ito ang unang utos na may kasamang pangako, 3 "upang maging mabuti ang iyong kalagayan at mabuhay ka nang matagal."
4 At kayo namang mga magulang, huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikasasama ng loob ng mga anak ninyo. Sa halip, palakihin ninyo sila nang may disiplina at turuan ng mga aral ng Panginoon.
5 Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may katapatan, paggalang at pagkatakot na parang si Kristo ang pinaglilingkuran ninyo. 6 Gawin ninyo ito nang kusang-loob, hindi dahil nakatingin sila para silaʼy malugod, kundi dahil mga alipin kayo ni Kristo na gumagawa ng kalooban ng Diyos. 7 Maglingkod kayo nang may mabuting kalooban na para bang ang Panginoon mismo ang pinaglilingkuran ninyo at hindi ang tao. 8 Alalahanin ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat isa ayon sa ginawa niyang mabuti, alipin man siya o hindi.
9 At kayo namang mga amo, tratuhin ninyo nang mabuti ang inyong mga alipin at huwag ninyo silang tatakutin o pagbabantaan, dahil alam naman ninyong kayoʼy kapwa may iisang amo sa langit, at wala siyang kinikilingan kahit sino.
10 At bilang pangwakas, magpakatatag kayo sa Panginoon sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan. 11 Isuot ninyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Diyos upang malabanan ninyo ang masasamang plano ng diyablo. 12 Sapagkat ang kalaban natin ay hindi mga tao kundi mga masamang espiritu sa kalangitan – mga pinuno, may kapangyarihan at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa mundong ito. 13 Kaya gamitin ninyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Diyos, upang sa oras na dumating ang kasamaan ay magawa ninyong makipaglaban, at pagkatapos ng pakikipaglaban ay manatili pa rin kayong matatag.
14 Kaya maging handa kayo. Gawin ninyong sinturon ang katotohanan. Isuot ninyo ang pagkamatuwid bilang pananggalang sa dibdib ninyo. 15 Isuot ninyo bilang sapatos ang pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan. 16 Hindi lang iyan, gamitin din ninyo bilang panangga ang pananampalataya ninyo upang hindi kayo tablan ng mga panunukso ni Satanas na parang mga palasong nagliliyab. 17 Isuot ninyo bilang helmet ang tinanggap ninyong kaligtasan, at gamitin ninyo bilang espada ang Salita ng Diyos na kaloob ng Espiritu.
18 At manalangin kayo sa lahat ng oras sa tulong ng Espiritu. Ipanalangin ninyo ang lahat ng dapat ipanalangin. Huwag kayong magpabaya; patuloy kayong manalangin lalo na para sa lahat ng mga hinirang. 19 Ipanalangin din ninyo ako sa tuwing mangangaral ako, na bigyan ako ng Diyos ng wastong pananalita upang maipahayag ko nang buong tapang ang Magandang Balita na inilihim noon. 20 Sapagkat isinugo ako ng Diyos para ipangaral ang Magandang Balitang ito na siyang dahilan ng pagkakabilanggo ko. Kaya kung maaari, ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat.
21 Si Tiquico, na minamahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat tungkol sa akin, upang malaman ninyo ang kalagayan ko at kung ano ang mga ginagawa ko. 22 Ito ang dahilan kung bakit pinapunta ko siya sa inyo: Para malaman ninyo ang tungkol sa amin at mapalakas niya ang loob ninyo.
23 Mga kapatid, sumainyo nawa ang kapayapaan, pag-ibig at pananampalatayang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesu-Kristo.
24 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Hesu-Kristo, kayong lahat na nagmamahal sa kanya nang tapat.