Pular para o conteúdo
Publicidade

Ester 9

Ang Pista ng Purim

20 Isinulat ni Mordecai ang lahat ng nangyari, at nagpadala siya ng sulat sa lahat ng Hudyo sa malalayo at sa malalapit na lalawigang nasasakupan ni Haring Asuero. 21 Sa sulat na ito, sinabi ni Mordecai sa mga Hudyo na dapat alalahanin nila at ipagdiwang ang ikalabing-apat at ikalabinlimang araw ng buwan ng Adar. 22 Itoʼy para alalahanin ang araw na nakaligtas sila sa mga kalaban, na ang kalungkutan nila ay naging kaligayahan at ang kanilang iyakan ay naging kasayahan. Kaya sinabi sa kanila ni Mordecai sa sulat na dapat magdiwang sila ng pista, magsaya sa araw na iyon, at magbigayan ng mga regalo sa isaʼt isa at sa mahihirap.

23 Sinunod ng mga Hudyo ang utos ni Mordecai, na patuloy nilang ipagdiwang ang pistang iyon sa bawat taon. 24 Si Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na kalaban ng mga Hudyo ay nagplanong patayin ang lahat ng Hudyo. Nagpalabunutan sila para malaman kung kailan isasagawa ang pagpatay. Ang uri ng palabunutan na ginamit ay tinatawag na "Pur". 25 Ngunit nang malaman ng hari ang planong ito sa pamamagitan ni Reyna Ester, nagpasulat ang hari ng isang utos na ang masamang plano ni Haman laban sa mga Hudyo ay gawin kay Haman at sa mga anak nitong lalaki. At iyon nga ang nangyari. 26 Ito ang dahilan kaya tinawag ang pistang iyon na Purim,9:26 Purim: Ito ang anyong plural ng pur. na mula sa salitang "Pur", na ang ibig sabihin ay palabunutan. At dahil sa sulat ni Mordecai at ayon sa karanasan nila, 27 nagkasundo ang mga Hudyo na ipagdiwang nila ang dalawang araw na iyon taon-taon katulad ng sinabi ni Mordecai, at napagpasyahan din nilang ipagdiwang ito ng kanilang angkan at ng lahat ng naging Hudyo. 28 Ang dalawang araw na ito ay aalalahanin at ipagdiriwang ng bawat sambahayan ng Hudyo sa bawat salinlahi nila, sa lahat ng lungsod at lalawigan. Hindi ito dapat kalimutan o itigil ng alin mang lahi.

29 Upang lalong mapagtibay ang sulat ni Mordecai tungkol sa Pista ng Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Abihail patungkol dito. Kasama rin niya si Mordecai sa pagsulat nito. 30 At ipinadala iyon ni Mordecai sa 127 lalawigan na sakop ng kaharian ni Haring Asuero. Ang sulat ay nagdulot ng kapayapaan at katiwasayan sa mga Hudyo, 31 at itinalaga na ipagdiwang ang Pista ng Purim sa takdang panahon, ayon sa iniutos ni Mordecai at ni Reyna Ester. Dapat nila itong sundin katulad ng pagsunod ng lahi nila sa mga tuntunin tungkol sa pag-aayuno at pagdadalamhati. 32 At ang utos ni Ester na nagpapatibay ng pagganap ng Pista ng Purim ay itinala sa Aklat ng Kasaysayan.

Veja também