Publicidade

Filemom 1

1 Mula kay Pablo na nakabilanggo dahil kay Kristo Hesus, kasama si Timoteo na ating kapatid,

Filemon, aming minamahal na kamanggagawa sa Panginoon, 2 kasama si Apia na ating kapatid, si Arquipo na kapwa naming sundalo ni Kristo, at ang iglesyang nagtitipon sa iyong tahanan:

3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang nagmumula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesu-Kristo.

Pasasalamat at Panalangin

4 Palagi akong nagpapasalamat sa Diyos sa tuwing ipinapanalangin kita, 5 dahil nabalitaan ko ang iyong pananampalataya sa Panginoong Hesus at ang pagmamahal mo sa lahat ng mga hinirang, na ang ibig sabihin ay "itinuring ng Diyos na kanya." ng Diyos. 6 Idinadalangin ko na sa pagbabahagi mo ng iyong pananampalataya ay lalo pang lumago ang iyong pang-unawa sa bawat kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Kristo. 7 Minamahal kong kapatid, labis na nagbigay kagalakan at kaaliwan sa akin ang iyong pagmamahal sa mga mananampalataya, dahil sumigla ang kalooban nila sa pamamagitan mo.

Ang Pakiusap ni Pablo para kay Onesimo

8 Kaya ngayon, bagamaʼt bilang apostol ni Kristo ay malakas ang loob kong utusan ka kung ano ang dapat mong gawin, 9 minarapat kong makiusap na lamang sa iyo alang-alang sa pag-ibig. At akong si Pablo, bilang isang nakatatanda at bilanggo dahil kay Kristo Hesus 10 ay nakikiusap sa iyo para kay Onesimo, na itinuturing kong anak. Naging ama niya ako sa pananampalataya dito sa bilangguan. 11 Datiʼy wala siyang pakinabang sa iyo, ngunit ngayoʼy kapaki-pakinabang na siya sa ating dalawa.

12 Pinababalik ko na saʼyo si Onesimo, na naging bahagi na ng aking puso. 13 Gusto ko sanang manatili siya dito kasama ko upang makatulong siya sa akin bilang kapalit mo, habang nakabilanggo ako dahil sa pagpapahayag ng Magandang Balita. 14 Ngunit ayaw ko itong gawin nang wala kang pahintulot, upang maging kusang-loob ang iyong pagtulong at hindi sapilitan.

15 Marahil ay nawalay siya sa iyo pansamantala, upang sa kanyang pagbabalik ay hindi na kayo magkahiwalay pang muli. 16 Babalik siya hindi na bilang alipin kundi higit pa sa alipin. Isa na siyang minamahal na kapatid sa akin at lalo na sa iyo, hindi lang bilang tao kundi kapatid rin sa Panginoon.

17 Kaya kung itinuturing mo akong kamanggagawa sa Panginoon, tanggapin mo siya na parang ako ang iyong tinatanggap. 18 Kung siya man ay nagkasala o nagkautang sa iyo, ako na lamang ang singilin mo. 19 Akong si Pablo ang mismong sumulat nito: Ako ang magbabayad saʼyo, kahit na kung tutuusin ay utang mo sa akin ang iyong buhay. 20 Kaya kapatid, pagbigyan mo na ang aking kahilingan alang-alang sa Panginoon. Pasiglahin mo ang kalooban ko bilang kapatid kay Kristo. 21 Sumulat ako dahil malaki ang tiwala kong pagbibigyan mo ang aking kahilingan, at alam kong higit pa roon ang iyong gagawin.

22 Isa pa pala, ipaghanda mo ako ng matutuluyan, dahil umaasa akong makabalik sa inyo bilang sagot sa inyong mga panalangin.

23 Kinukumusta ka ni Epafras na kapwa ko bilanggo dahil kay Kristo Hesus.

24 Kinukumusta ka rin ng mga kamanggagawa kong sina Marcos, Aristarco, Demas at Lucas.

25 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Hesu-Kristo.

Veja também

Publicidade
Filemom
Ver todos os capítulos de Filemom
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-