Publicidade

Hebreus 1

Ang Salita ng Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak

1 Noong una, nangusap ang Diyos sa mga ninuno natin sa ibaʼt ibang panahon at sari-saring paraan sa pamamagitan ng mga propeta. 2 Ngunit sa mga huling araw na ito, nangusap siya sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan niya ay nilikha ng Diyos ang buong sanlibutan, at siya rin ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay. 3 Sa Anak nakikita ang kaluwalhatian ng Diyos, at kung ano ang Diyos ay ganoon din siya. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng makapangyarihan niyang salita. Umupo siya sa kanan ng Kataas-taasang Diyos doon sa langit matapos niya tayong linisin sa ating mga kasalanan.

4 Ipinapakita nitong higit na dakila ang Anak ng Diyos kaysa sa mga anghel at higit na dakila ang pangalan niya kaysa sa kanila.

Nakahihigit ang Anak ng Diyos sa mga Anghel

5 Sapagkat kailanmaʼy wala ni isa man sa mga anghel ang sinabihan ng Diyos ng ganito:

"Ikaw ang aking Anak,

at ngayon, ako na ang iyong Ama."

At wala ring sinumang anghel na sinabihan ang Diyos ng ganito:

"Akoʼy magiging Ama niya,

at siyaʼy magiging Anak ko."

6 At nang isusugo na ng Diyos ang kanyang kaisa-isang Anak sa mundo, sinabi niya,

"Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos."

7 Ito ang sinabi ng Diyos tungkol sa mga anghel:

"Ginagawa niyang hangin

ang kanyang mga anghel,

at nagliliyab na apoy

ang kanyang mga utusan."

8 Ngunit ito naman ang sinabi ng Diyos tungkol sa kanyang Anak:

"O Diyos, ang kaharian mo

ay magpakailanman.

Ang paghahari mo

ay makatarungan.

9 Kinalulugdan mo

ang gumagawa ng matuwid

at kinamumuhian mo

ang gumagawa ng masama.

Kaya pinili ka ng Diyos,

na iyong Diyos,

at binigyan ng kagalakang

higit sa ibinigay niya

sa mga kasama mo."

10 At sinabi pa niya,

"Panginoon, nang pasimula paʼy

nilikha mo ang sanlibutan

at ikaw rin ang lumikha ng kalangitan.

11 Ang lahat ng ito ay may katapusan,

ngunit ikaʼy mananatili magpakailanman.

Sapagkat tulad ng damit na kumukupas,

ang mga ito ay lilipas.

12 Ang mga itoʼy parang balabal

na iyong titiklupin,

at tulad ng damit

ang mga itoʼy iyong papalitan.

Ngunit ikaʼy hindi magbabago,

at mananatiling buháy magpakailanman."

13 Kailanmaʼy hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel:

"Umupo ka rito sa aking kanan

hanggang sa gawin kong iyong apakan

ang iyong mga kalaban."

14 Kung ganoon, ang mga anghel ay mga espiritung naglilingkod lang sa Diyos, at sinusugo niya upang tumulong sa mga taong tatanggap ng kaligtasan.

Veja também

Publicidade
Hebreus
Ver todos os capítulos de Hebreus
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_14-04-22-