1 Ang bawat punong pari ay pinili upang magsilbing kinatawan ng mga tao tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos. Tungkulin niyang mag-alay ng mga kaloob at handog para sa kasalanan. 2 Siya ay mahinahong nakikitungo sa mga taong walang alam at naliligaw ng landas dahil tao rin siyang may mga kahinaan. 3 Ito ang dahilan kung bakit kailangan niyang maghandog para sa kanyang kasalanan at para na rin sa kasalanan ng mga tao. 4 Hindi maaaring makamtan ninuman sa sarili niyang kagustuhan ang karangalan ng pagiging punong pari, sapagkat ang Diyos mismo ang humihirang sa magiging punong pari, tulad ng pagkahirang kay Aaron.
5 Ganoon din naman, hindi si Kristo ang nagparangal sa sarili niya na maging punong pari kundi ang Diyos. Sapagkat sinabi sa kanya ng Diyos,
"Ikaw ang aking Anak,
at ngayon, ako na ang iyong Ama."
6 At sinabi pa ng Diyos sa ibang bahagi ng Kasulatan:
"Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedec."
7 Noong nabubuhay pa si Hesus sa mundong ito, umiiyak siyang nanalangin at nagmakaawa sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan, at dininig siya dahil mapagpakumbaba siyang sumusunod sa kalooban ng Diyos. 8 At kahit Anak siya mismo ng Diyos, natutunan niya ang pagiging masunurin dahil sa mga hirap na dinanas niya. 9 At nang siyaʼy maging ganap, siya ang pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kanya, 10 at itinalaga siya ng Diyos na maging punong pari, ayon sa pagkapari ni Melquizedec.
11 Marami pa sana kaming sasabihin tungkol sa mga bagay na ito, ngunit mahirap itong ipaliwanag sa inyo dahil ayaw ninyong umunawa. 12 Dapat sanaʼy mga tagapagturo na kayo ngayon dahil matagal na kayo sa pananampalataya, ngunit hanggang ngayoʼy kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin tungkol sa salita ng Diyos. Katulad pa rin kayo ng mga sanggol na nangangailangan ng gatas dahil hindi pa ninyo kaya ang matigas na pagkain. 13 Sapagkat ang taong sa gatas nabubuhay ay tulad ng sanggol na hindi alam kung paano mamuhay nang matuwid. 14 Ngunit ang mga taong matigas na pagkain ang kinakain ay tulad ng taong nasa sapat na gulang, at sinanay ang isip na alamin kung ano ang mabuti at masama.