1 Kaya dapat na nating iwanan ang mga panimulang aralin tungkol kay Kristo, at magpatuloy na sa mga malalalim na aralin. Huwag na tayong magpabalik-balik pa sa mga aral tungkol sa pagsisisi at pagtalikod sa mga bagay na walang kabuluhan, at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, 2 mga aral tungkol sa seremonya ng paglilinis, pagpapatong ng kamay sa ulo, muling pagkabuhay ng mga patay, at paghahatol ng Diyos sa magiging kalagayan ng tao magpakailanman. 3 At kung loloobin ng Diyos, magpatuloy nga tayo sa malalalim na aralin.
4 Sapagkat hindi na muling mapapagsisi at mapapanumbalik sa Diyos ang mga tumalikod sa kanilang pananampalataya. Nooʼy naliwanagan na ang kanilang isip, naranasan nila ang mga biyaya mula sa langit, at silaʼy naging bahagi ng mga tumanggap sa Banal na Espiritu. 5 Naranasan rin nila ang kabutihang dulot ng salita ng Diyos, at nadama ang kapangyarihang ihahayag sa huling araw. 6 Ngunit sa kabila nitoʼy tinalikuran nila ang Diyos. Ang mga ganyang tao ay imposible nang makapagsisi pa at tumalikod sa kanilang mga kasalanan; sapagkat sa pagtalikod nila sa Diyos ay para na rin nilang ipinakong muli ang Anak ng Diyos sa krus at inilagay sa kahihiyan.
7 Tulad tayo ng lupang pinagpapala ng Diyos, na matapos tumanggap ng masaganang ulan ay tinutubuan ng mga halamang pakikinabangan ng magsasaka. 8 Ngunit kung matitinik na mga halaman lang ang tumutubo roon, maituturing na wala itong pakinabang, at nararapat lamang na pabayaan ng magsasaka at bandang huli ay susunugin.
9 Mga minamahal, kahit na ganito ang sinasabi namin, naniniwala kaming nasa mas mabuti kayong kalagayan tungkol sa inyong kaligtasan. 10 Makatarungan ang Diyos, at hindi niya magagawang kalimutan ang inyong gawa at ang pagmamahal na ipinakita ninyo sa kanya at patuloy na ipinapakita sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapwa hinirang, na ang ibig sabihin ay "itinuring ng Diyos na kanya." ng Diyos. 11 Nais naming patuloy na maging masigasig ang bawat isa sa inyo sa pag-asa ninyo sa Diyos hanggang sa wakas, upang makamtan ninyo ang inyong inaasam. 12 Huwag kayong maging tamad, sa halip, tularan nʼyo ang mga taong tumatanggap ng mga ipinangako ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya nila at pagtitiis.
13 Tingnan nʼyo ang karanasan ni Abraham: Nang mangako ang Diyos kay Abraham, hindi siya gumamit ng ibang pangalan para patunayan ang pangako niya, kundi ginamit niya ang sarili niyang pangalan dahil wala nang makahihigit pa sa kanya. 14 Sinabi niya, "Tiyak na pagpapalain kita at pararamihin ko ang lahi mo." 15 At matapos ang matiyagang paghihintay ni Abraham, natanggap niya ang mga ipinangako ng Diyos sa kanya.
16 Kapag nangangako ang mga tao, nanunumpa sila sa pangalan ng Diyos na nakahihigit sa kanila upang paniwalaan sila at wala nang anumang usapin pa. 17 Ganito rin ang ginawa ng Diyos noon sa mga taong pinangakuan niya. Ipinakita niya sa kanila sa pamamagitan ng panunumpa na tutuparin niya ang kanyang pangako. 18 At ang dalawang bagay na ito: Ang pangako niya at panunumpa ay hindi mababago, dahil hindi magagawang magsinungaling ng Diyos. Kaya tayong mga nakatagpo ng kanyang kalinga ay may matibay na pag-asang pinanghahawakan na gagawin niya ang ipinangako niya sa atin. 19 Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay. Dinadala tayo nito sa Pinakabanal na Lugar na nasa likod ng tabing, 20 kung saan nauna nang pumasok si Hesus para sa atin. Siya ang punong pari natin magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquizedec.