Publicidade

Hebreus 4

Isang Araw ng Kapahingahan para sa mga Hinirang

1 Ngunit kahit ganoon ang nangyari sa kanila, nanatili pa rin ang pangako ng Diyos na mararanasan natin ang kapahingahang mula sa kanya. Kaya mag-ingat tayo at baka mayroon sa atin na hindi magkakamit ng pangakong ito. 2 Sapagkat nakarinig din tayo ng Magandang Balita katulad nila, pero naging walang saysay ang narinig nila dahil hindi sila sumampalataya. 3 Tayong mga sumasampalataya ang magkakamit ng kapahingahang mula sa Diyos. Ngunit hindi ito makakamit nang hindi sumasampalataya, dahil sinabi ng Diyos,

"Sa galit koʼy sumumpa ako na hinding-hindi nila mararanasan

ang kapahingahang inilaan ko sa kanila."

Hindi ibig sabihin na wala pa ang kapahingahan. Ang totooʼy nariyan na ito mula pa nang likhain ang mundo. 4 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan tungkol sa ikapitong araw: "Sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha."

5 At sinabi rin sa Kasulatan, "Hinding-hindi nila mararanasan ang kapahingahang inilaan ko sa kanila."

6 Malinaw na niloob ng Diyos na may magkakamit ng kapahingahang ito, ngunit ang mga nakarinig noon ng Magandang Balita ay hindi ito nakamtan dahil sa pagsuway nila sa kanya. 7 Kaya muling nagtakda ang Diyos ng isa pang pagkakataon, na walang iba kundi ngayon. Dahil pagkalipas ng matagal na panahon, sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni David,

"Sa araw na ito,

kapag narinig ninyo ang tinig niya,

huwag ninyong patigasin ang inyong puso."

8 Dahil kung tunay na nadala ni Josue sa kapahingahan ang mga tao noong una, hindi na sana nagsalita ang Diyos tungkol sa isa pang kapahingahan. 9 Kaya may kapahingahan pang nakalaan sa mga taong sakop ng Diyos. At ang kapahingahang itoʼy katulad ng pagpapahinga ng Diyos sa ikapitong araw. 10 Sapagkat ang sinumang makakaranas ng kapahingahang mula sa Diyos ay makakaranas din ng kapahingahan sa kanyang mga gawain, tulad ng pamamahinga ng Diyos matapos niyang likhain ang lahat. 11 Kaya sikapin nating makamit ang kapahingahang ito. Huwag nating tularan ang mga tao noong una na sumuway sa Diyos, at baka hindi natin ito makamtan.

12 Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Diyos, at higit na matalas kaysa sa alinmang espadang magkabila ang talim. Tumatagos ito hanggang kaluluwaʼt espiritu, at hanggang sa kasu-kasuan at kaloob-looban ng buto. Nalalaman nito ang pinakamalalim na iniisip at hinahangad ng tao. 13 Walang makapagtatago sa Diyos. Nakikita niya at lantad sa paningin niya ang lahat, at sa kanya tayo mananagot.

Si Hesus ang Dakilang Punong Pari

14 Kaya panghawakan nating mabuti ang pinaniniwalaan natin dahil mayroon tayong dakilang punong pari na pumasok sa kalangitan, na walang iba kundi si Hesus na Anak ng Diyos. 15 Nadarama rin ng ating punong pari ang lahat ng kahinaan natin, dahil naranasan din niya ang lahat ng pagsubok na dumarating sa atin, pero hindi siya nagkasala. 16 Kaya huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng maawaing Diyos upang matanggap natin ang awa at biyayang makakatulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.

Veja também

Publicidade
Hebreus
Ver todos os capítulos de Hebreus
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-