1 Kaya dapat nating panghawakang mabuti ang mga katotohanang narinig natin upang hindi tayo maligaw. 2 Sapagkat ang Kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel ay napatunayang totoo, at ang sinumang lumabag o sumuway dito ay tumanggap ng kaukulang parusa. 3 Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung babalewalain natin ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon mismo ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya. 4 Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda, himala, at kamangha-manghang gawa, at ibaʼt ibang kakayahang kaloob ng Banal na Espiritu na ibinigay niya ayon sa kanyang kalooban.
5 Ngayon, tungkol sa mundong darating na sinasabi namin, hindi ito ipinamahala ng Diyos sa mga anghel. 6 Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan:
"Ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
7 Sa maikling panahon ginawa ninyong mas mababa
ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel.
Ngunit kinoronahan nʼyo siya ng kaluwalhatian at karangalan,
8 at ipinasailalim nʼyo sa kanyang kapangyarihan
ang lahat ng bagay."
Ang pagpapasailalim ng lahat ng bagay sa tao ay nangangahulugang walang anumang bagay na hindi ipinasakop ang Diyos sa kanya. Ngunit ngayon, hindi pa natin nakikita na napasailalim sa kanya ang lahat ng bagay. 9 Ngunit ang nakita natin ay si Hesus na sa maikling panahon ay naging mas mababa ang kalagayan kaysa sa mga anghel. Ngunit ngayon ay binigyan siya ng kaluwalhatian at karangalan dahil dumanas siya ng matinding hirap at namatay siya para sa lahat; at ito ay sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.
10 Sapagkat hinangad ng Diyos na dalhin ang marami niyang mga anak patungo sa kaluwalhatian. Siya ang gumawa ng lahat ng bagay, at ginawa niya ito para sa kanyang sarili, kaya nararapat lamang na gawin niyang ganap si Hesus sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, upang maging pinuno nila na magdadala sa kanila sa kaligtasan.
11 Si Hesus ang naglilinis ng ating mga kasalanan. At ang kanyang Ama ay siya rin nating Ama. Kaya hindi niya ikinakahiya na ituring tayong mga kapatid niya. 12 Ito ang sinabi niya sa kanyang Ama:
"Ipapahayag ko sa aking mga kapatid
ang mga ginawa mo.
Aawit ako ng papuri sa iyo
sa piling ng mga sumasamba sa iyo."
13 Sinabi rin niya,
"Magtitiwala ako sa Diyos."
At idinagdag pa niya,
"Narito ako, kasama ang mga anak ng Diyos
na kanyang ibinigay sa akin."
14 At yamang ang mga anak ng Diyos na binanggit niya ay mga taong may laman at dugo, naging tao rin si Hesus upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay malupig niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa ganitong paraan, pinalaya niya sila na naging alipin ng takot sa kamatayan sa buong buhay nila.
16 Kaya malinaw na hindi ang mga anghel ang tinutulungan ni Hesus kundi ang lahi ni Abraham. 17 Ito ang dahilan kung bakit kinailangang magkatawang-tao ni Hesus, upang maging katulad siya ng mga kapatid niya sa lahat ng bagay. Sa ganoon, siya ay magiging punong pari nila na maawain at tapat, na makapaghahandog sa Diyos para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng tao. 18 At dahil siya mismo ay nakaranas ng paghihirap nang tuksuhin siya, matutulungan niya ang mga dumaranas ng tukso.