1 Ito ang mga kawikaan ni Haring Lemuel na taga-Masa. Ito ang mga itinuro sa kanya ng kanyang ina:
2 Makinig ka, aking anak.
Makinig ka, anak ng aking sinapupunan.
Makinig ka, anak, ang sagot
sa aking mga panalangin.
3 Huwag mong sasayangin
ang iyong lakas at pera sa mga babae,
sapagkat sila ang dahilan
kung bakit napapahamak ang mga hari.
4 Lemuel, hindi dapat uminom
ng alak ang isang hari.
Ang mga namumuno
ay hindi dapat maghangad
ng inumin na nakalalasing.
5 Sapagkat kapag nalasing na sila,
kadalasan ay nakakalimutan na nila
ang kanilang tungkulin,
at hindi nila nabibigyan ng katarungan
ang mga nasa kagipitan.
6 Hayaan mong mag-inom
ang mga taong nawalan na ng pag-asa
at naghihirap ang kalooban,
7 upang makalimutan nila
ang kanilang mga kasawian at kahirapan.
8 Ipagtanggol mo ang karapatan
ng mga taong kahabag-habag,
na hindi maipagtanggol
ang kanilang mga sarili.
9 Humatol ka nang walang kinikilingan,
at ipagtanggol ang karapatan
ng mga mahihirap at nangangailangan.
10 Mahirap hanapin ang mabuting asawa.
Higit pa sa mamahaling alahas
ang kanyang halaga.
11 Lubos ang tiwala sa kanya
ng kanyang asawa,
at wala na itong mahihiling pa sa kanya.
12 Kabutihan at hindi kasamaan
ang ginagawa niya
sa kanyang asawa habang siya
ay nabubuhay.
13 Masigasig siyang humahabi
ng mga telang lino at lana.
14 Tulad siya ng barko
ng mga mangangalakal;
nagdadala siya ng mga pagkain
kahit galing pa siya sa malayong lugar.
15 Maaga siyang gumigising
upang ipaghanda ng pagkain
ang kanyang pamilya,
at para sabihan ang mga babaeng katulong
ng mga dapat nilang gawin.
16 Marunong siyang pumili ng lupa
na kanyang bibilhin.
At mula sa kanyang sariling ipon,
pinapataniman niya ito ng ubas.
17 Malakas, masipag
at mabilis siyang gumawa.
18 Magaling siyang magnegosyo,
at matiyagang nagtatrabaho
hanggang gabi.
19 Sa kanyang kamay
ay hawak niya ang sinulid,
at nakakapit sa panghabi
ang kanyang mga daliri.
20 Matulungin siya sa mahihirap
at mga nangangailangan.
21 Hindi siya nag-aalala,
dumating man ang taglamig,
dahil may makakapal siyang tela
para sa kanyang pamilya.
22 Siya na rin ang gumagawa
ng mga kobre-kama,
at ang kanyang mga damit
ay gawa sa pinong lino
at lanang kulay ube.
23 Kilala ang asawa niya bilang isa
sa mga tagapamahala ng bayan.
24 Gumagawa rin siya ng damit at sinturon,
at ipinagbibili sa mga mangangalakal.
25 Malakas at iginagalang siya,
at hindi siya nangangamba
para sa kinabukasan.
26 Nagsasalita siya nang may karunungan,
at nagtuturo nang may kabutihan.
27 Masipag siya,
at inaalagaang mabuti
ang kanyang pamilya.
28 Pinupuri siya ng kanyang mga anak,
at pinupuri rin ng kanyang kabiyak
na nagsasabi,
29 "Maraming mga babae ang mahuhusay,
subalit sa iyo ay walang makapapantay."
30 Ang pagiging kaakit-akit
ay makapandaraya,
at ang kagandahan
ay kumukupas.
Ngunit ang babaeng may takot sa Panginoon
ay dapat purihin.
31 Dapat siyang gantimpalaan
sa kanyang ginawang kabutihan
at parangalan sa karamihan.