1 Kung paanong hindi nababagay
na mag-nyebe sa tag-araw
at umulan sa panahon ng tag-ani,
hindi rin nababagay na parangalan
ang taong hangal.
2 Ang sumpa ay hindi tatalab
sa walang kasalanan.
Tulad ito ng ibong hindi dumadapo
at lilipad-lipad lamang.
3 Kailangan ang latigo para sa kabayo,
bokado para sa asno, at pamalo
para sa hangal na tao.
4 Huwag mong sagutin ang hangal
kung nakikipag-usap siya sa iyo
ng kahangalan,
at baka matulad ka rin sa kanya.
5 Sagutin mo ang hangal
ayon sa kanyang kahangalan
para hindi niya akalaing siyaʼy matalino.
6 Kapag nagpadala ka ng mensahe
sa pamamagitan ng isang mangmang,
para mo na ring pinutol ang iyong mga paa,
at para ka na ring gumawa
ng sariling kapahamakan.
7 Tulad ng walang silbing mga paa ng isang lumpo
ang kawikaang sinasabi ng isang hangal.
8 Ang pagpaparangal sa isang hangal
ay parang batong nakatali sa tirador.
9 Ang kawikaan sa bibig ng isang hangal
ay walang silbi katulad ng tinik
sa kamay ng isang lasing.
10 Kahangalan ang pumana ng kahit sino;
gayon din ang pagkuha sa hangal
o sa sinumang dumadaan
upang upahan.
11 Inuulit ng hangal ang kanyang kahangalan,
tulad ng asong binabalikan
ang kanyang suka upang kainin.
12 Mas mabuti pa ang hinaharap
ng isang taong mangmang
kaysa sa taong nagmamarunong.
13 Ang batugan ay hindi lumalabas ng tahanan,
ang kanyang dahilan
ay may leon sa lansangan.
14 Gaya ng pintuang pumipihit sa bisagra
ang batugan na papihit-pihit
sa kanyang kama.
15 May mga taong sobrang tamad
na kahit ang kumain
ay kinatatamaran.
16 Ang akala ng batugan
mas marunong pa siya
kaysa sa pitong tao na
tamang mangatuwiran.
17 Mapanganib ang nanghihimasok
sa gulo ng may gulo,
ito ay tulad ng pagdakma
sa tainga ng aso.
18,19 Ang taong nandaraya
sa kanyang kapwa
at saka sasabihing,
"Nagbibiro lamang ako,"
ay tulad ng isang baliw na
pumapana sa mga tao
gamit ang kanyang umaapoy
at nakamamatay na palaso.
20 Namamatay ang apoy
kung ubos na ang panggatong,
natitigil ang away kung wala nang tsismisan.
21 Kung uling ang nagpapabaga at kahoy
ang nagpapaliyab ng apoy,
ang taong palaaway naman
ang nagpapasimula ng gulo.
22 Ang tsismis ay parang pagkaing
masarap nguyain at lunukin;
at nakakarating sa kaloob-looban ng tao.
23 Maaaring itago ng magandang pananalita
ang masamang isipan,
tulad nito ay mumurahing banga
na pininturahan ng pilak.
24 Maaaring ang kaaway
ay magandang magsalita,
ngunit ang nasa isip niya
ay makapandaya.
25 Kahit masarap pakinggan
ang kanyang pananalita
ay huwag kang maniwala,
sapagkat ang iniisip niya
ay napakasamâ.
26 Maaaring ang galit
ay kanyang maitago,
ngunit malalantad din sa karamihan
ang masama niyang gawa.
27 Ang humuhukay ng patibong
ay siya rin ang mahuhulog doon.
Ang nagpapagulong ng malaking bato
ay siya rin ang magugulungan nito.
28 Ang sinungaling ay nagagalit
sa nabiktima niya ng kasinungalingan,
at ang taong nambobola
ay ipapahamak ka.