Publicidade

Provérbios 22

1 Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan

kaysa sa maraming kayamanan.

Ang paggalang ng tao sa iyo

ay mas mahalaga pa

kaysa pilak at ginto.

2 Ang Panginoon ang lumikha sa tao,

mayaman man o mahirap.

3 Ang taong maalam

ay umiiwas kung may panganib,

ngunit ang wala sa katinuan

ay sumusuong sa panganib,

kaya napapahamak.

4 Ang paggalang sa Panginoon

at pagpapakumbaba

ay magdudulot sa iyo ng mahabang buhay,

kayamanan at karangalan.

5 Lumalakad ang taong masama

sa daang matinik

at may mga patibong.

Ang nag-iingat sa sarili

ay umiiwas sa daang iyon.

6 Ituro sa bata ang daang

dapat niyang sundan,

at kahit sa kanyang pagtanda

ay hindi niya ito kalilimutan.

7 Ang mahihirap ay nasa ilalim

ng kapangyarihan ng mayayaman,

at ang nangungutang

ay alipin ng nagpapautang.

8 Ang naghahasik ng kasamaan

ay aani ng kapahamakan,

at matitigil na ang kanyang

pamiminsala sa iba.

9 Ang nagbibigay ng pagkain sa dukha

ay tiyak na pagpapalain.

10 Kapag pinalayas mo

ang mga taong nanunuya,

mawawala na ang alitan,

kaguluhan at pang-iinsulto.

11 Ang taong may malinis na puso

at mahinahon magsalita

ay magiging kaibigan ng hari.

12 Binabantayan ng Panginoon

ang mga taong may karunungan,

ngunit sinisira niya ang plano

ng mga taksil.

13 Ang taong tamad ay laging may dahilan,

sinasabi niyang baka siya

ay lapain ng leon sa daan.

14 Ang salita ng masamang babae

ay parang malalim na hukay,

at doon nahuhulog

ang kinamumuhian ng Panginoon.

15 Likas sa mga bata ang pagiging pilyo,

ngunit magiging matuwid sila

kung didisiplinahin.

16 Ang nagreregalo sa mayaman

o nang-aapi sa mahihirap

upang yumaman

ay hahantong din sa karalitaan.

Unang Kawikaan

17 Pakinggan mo ang mga sinasabi

ng marurunong.

Pakinggan mong mabuti

habang itinuturo ko ito sa iyo,

18 dahil magbibigay ito sa iyo

ng kaligayahan

kung malalaman mo ito at masasaulo.

19 Itinuturo ko ito sa iyo ngayon

upang magtiwala ka sa Panginoon.

20 Ang tatlumpung kawikaang ito

na isinulat ko

ay magdudulot sa iyo

ng mga karunungan at payo.

21 Sa pamamagitan nitoʼy malalaman mo

ang mga katotohanan

at masasagot mo

ang mga magtatanong sa iyo.

Ikalawang Kawikaan

22 Huwag mong abusuhin

ang mga mahihirap

o apihin man sila sa mga hukuman,

23 sapagkat ipagtatanggol sila

ng Panginoon.

Anuman ang gawin ninyong

masama sa kanila

ay gagawin din niya sa inyo.

Ikatlong Kawikaan

24 Huwag kang makipagkaibigan

sa taong madaling magalit,

25 baka mahawa ka sa kanyang pag-uugali

at para ka na ring naglagay

ng bitag para sa iyong sarili.

Ikaapat na Kawikaan

26 Huwag kang mangangako

na magbabayad sa utang ng iba,

27 dahil kapag hindi ka nakapagbayad,

pati ang higaan mo ay kanilang agawin.

Ikalimang Kawikaan

28 Huwag mong gagalawin

ang mga batong hangganan

na inilagay ng mga ninuno mo noon.

Ikaanim na Kawikaan

29 Ang taong mahusay magtrabaho

ay maglilingkod sa mga hari

at hindi sa mga pangkaraniwang tao.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-