Publicidade

Provérbios 28

1 Tumatakbo ang masama

kahit walang humahabol,

ngunit ang matuwid

ay matapang tulad ng leon.

2 Kapag suwail ang isang bayan,

ang kanilang pinuno ay madalas napapalitan.

Ngunit kung ang pinuno

ay may pang-unawa at karunungan,

mananatiling matatag ang kalagayan.

3 Ang taong mahirap na gumigipit

sa kapwa niya mahirap

ay tulad ng rumaragasang ulan

na sumisira sa pananim.

4 Pinupuri ng masama

ang mga taong lumalabag sa utos,

ngunit ang sumusunod dito,

kinakalaban ang masama.

5 Hindi maintindihan ng masasama

ang katarungan,

ngunit lubos itong nauunawaan

ng mga lumalapit sa Panginoon.

6 Mas mabuti pa ang mahirap

na namumuhay nang matuwid

kaysa sa mayamang

namumuhay sa kasalanan.

7 Ang anak na may pang-unawa

ay sumusunod sa kautusan,

ngunit ang anak na sa

matatakaw nakikipagkaibigan

ang magulang niyaʼy binibigyan

ng kahihiyan.

8 Kung yumaman ka

sa pamamagitan ng patubuan,

ang iyong kayamanan

ay mapupunta sa matulungin

sa mga nangangailangan.

9 Ang taong hindi sumusunod

sa kautusan,

kahit ang kanyang panalangin

ay kasuklam-suklam.

10 Ang taong inililigaw ang matuwid

upang magkasala

ay mabibiktima ng sarili niyang mga pakana.

Ngunit ang taong namumuhay nang matuwid

ay tatanggap ng maraming kabutihan.

11 Iniisip ng mayayaman

na napakarunong na nila,

ngunit alam ng taong mahirap

na may pang-unawa

kung anong klaseng tao talaga sila.

12 Kapag matuwid ang namumuno

nagdiriwang ang mga tao,

ngunit kapag ang pumalit ay masama,

mga taoʼy nagtatago.

13 Hindi ka uunlad

kung hindi mo ipapahayag

ang iyong mga kasalanan,

ngunit kung ipapahayag mo ito at tatalikdan,

kahahabagan ka ng Diyos.

14 Mapalad ang taong laging

may takot sa Panginoon,

ngunit mapapahamak

ang taong matigas ang ulo.

15 Para sa mahihirap,

ang masamang pinuno,

ay katulad ng mabangis na leon

o nagngangalit na oso.

16 Ang pinunong walang pang-unawa

ay lubhang malupit.

Hahaba naman ang buhay ng pinunong

sa kasakiman ay galit.

17 Ang taong hindi pinatatahimik ng kanyang budhi

dahil sa pagpatay sa kanyang kapwa

ay tatakas kahit saan

hanggang sa siya ay mamatay.

Huwag ninyo siyang tulungan.

18 Ang namumuhay nang matuwid

ay ligtas sa kapahamakan,

ngunit mahuhulog sa hukay

ang namumuhay sa maling pamamaraan.

19 Ang masipag magsaka ng kanyang lupain

ay laging sagana sa pagkain,

ngunit ang naghahabol sa mga bagay

na walang saysay

ay masasadlak sa kahirapan.

20 Ang taong tapat

ay sasagana sa pagpapala,

ngunit ang taong nagmamadaling yumaman

ay parurusahan.

21 Hindi mabuti ang may kinikilingan,

ngunit may mga gumagawa nito

dahil sa kaunting suhol.

22 Nagmamadaling yumaman

ang taong sa pera ay gahaman,

ngunit ang hindi niya alam

patungo pala siya sa kahirapan.

23 Pasasalamatan ka pa ng tao sa huli

kapag sinaway mo siya nang tapat

kaysa panay ang papuri mo sa kanya

kahit hindi nararapat.

24 Ang taong nagnanakaw sa magulang

at sasabihing hindi iyon kasalanan

ay walang pinagkaiba sa isang kriminal.

25 Ang taong sakim

ay nagpapasimula ng kaguluhan,

ngunit ang taong nagtitiwala sa Panginoon

ay magtatamo ng kasaganaan.

26 Hangal ang taong nagtitiwala

sa kanyang sariling kakayahan.

Ang taong namumuhay na may karunungan

ay ligtas sa kapahamakan.

27 Ang taong mapagbigay sa mahihirap

ay hindi kukulangin,

ngunit ang nagbubulag-bulagan

ay tiyak na susumpain.

28 Kapag masama ang mga pinuno,

mga tao ay nagtatago.

Ngunit kapag namatay sila,

ang matutuwid ang mamumuno.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-