Publicidade

Provérbios 10

1 Narito ang mga kawikaan ni Solomon:

Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang,

ngunit ang anak na hangal

ay nagbibigay ng kalungkutan.

2 Ang kayamanang nakuha sa masamang paraan

ay hindi makapagbibigay ng anumang kabutihan,

ngunit ang matuwid na pamumuhay

ay makapagliligtas sa iyo sa kamatayan.

3 Hindi hinahayaan ng Panginoon

na magutom ang mga matuwid,

ngunit ipinagkakait naman niya

ang hangad ng mga masama.

4 Nagpapahirap ang katamaran,

ngunit ang kasipagan ay nagpapayaman.

5 Ang nag-iimbak ng pagkain kapag anihan

ay anak na maalam,

ngunit ang anak na laging tulog

kapag anihan ay kahiya-hiya.

6 Ang taong matuwid ay pinagpapala;

ang bibig ng masamang tao ay nakakapinsala.

7 Ang alaala ng taong matuwid

ay isang pagpapala magpakailanman

ngunit ang masamang tao

ay makakalimutan.

8 Sumusunod sa mga utos

ang taong marunong,

ngunit ang nagsasalita ng kamangmangan

ay mawawasak.

9 May kapayapaan ang taong namumuhay

nang matuwid,

ngunit ang masama ang pamumuhay

ay malalantad.

10 Ang taong mandaraya ay gulo ang nililikha

at ang taong nagsasalita

ng kamangmangan ay mapapahamak.

11 Ang salita ng taong matuwid

ay makakatulong sa buhay ng iba,

ngunit ang mga salita ng taong masama

ay makapipinsala.

12 Ang galit ay nagpapasimula ng kaguluhan,

ngunit ang pag-ibig ay nagpapatawad

ng lahat ng kasalanan.

13 Nagsasalita ng karunungan

ang taong may pang-unawa,

ngunit ang walang pang-unawa

ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.

14 Nagdadagdag ng kaalaman

ang taong may karunungan,

ngunit ang mga hangal ay nagsasalita

tungo sa kanilang kapahamakan.

15 Panatag ang mayaman

dahil sa kanyang kayamanan,

ngunit napapahamak ang mahirap

dahil sa kanyang kahirapan.

16 Ang gantimpala ng matuwid ay buhay,

ngunit ang gantimpala ng masama

ay kaparusahan.

17 Ang taong nakikinig sa pagtutuwid sa kanyang pag-uugali

ay mapapabuti at hahaba ang buhay,

ngunit ang taong hindi nakikinig

ay maliligaw ng landas.

18 Ang nagkikimkim ng galit ay sinungaling,

at ang naninira sa kanyang

kapwa ay hangal.

19 Ang taong masalita ay madaling magkasala.

Ang taong maalam

ay pinipigilan ang kanyang dila.

20 Ang salita ng matuwid

ay mahalaga tulad ng pilak,

ngunit ang isip ng masama

ay walang kabuluhan.

21 Sa salita ng matuwid marami

ang nakikinabang,

ngunit ang mga hangal ay mamamatay

dahil walang pang-unawa.

22 Ang pagpapala ng Panginoon

ay nagpapayaman

at hindi niya ito dinadagdagan

ng anumang kalungkutan.

23 Ang kaligayahan ng hangal

ay ang paggawa ng kasamaan,

ngunit ang kaligayahan nang nakakaunawa

ay ang mamuhay nang may karunungan.

24 Ang kinatatakutan ng taong masama

ay mangyayari sa kanya,

ang hinahangad naman ng taong matuwid

ay kanyang makakamit.

25 Kapag dumating ang mga bagyo sa buhay,

tatangayin ang mga masasama,

subalit mananatiling matatag

ang mga matutuwid magpakailanman.

26 Tulad ng sukang nakakangilo

at usok na nakakaluha,

ganyan ang tamad sa nagpadala sa kanya.

27 Ang may paggalang sa Panginoon

ay hahaba ang buhay,

ngunit ang taong masama

ay iikli ang buhay.

28 Ang pag-asa ng matuwid

ay magbibigay ng kaligayahan,

ngunit ang pag-asa ng masama

ay walang katuparan.

29 Ang pagsunod sa pamamaraan ng Panginoon

ay kanlungan ng matuwid,

ngunit ang mga suwail dito

ay mapapahamak.

30 Ang matuwid ay hindi gagambalain

sa kanyang lupain,

ngunit ang masama

ay palalayasin.

31 Ang bibig ng matuwid

ay puno ng karunungan,

ngunit ang dila ng sinungaling ay puputulin.

32 Ang bibig ng matuwid

ay nagsasalita ng kaaya-aya,

ngunit kabuktutan ang sinasabi

ng taong masama.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-