1 Ang taong makasarili
ay humihiwalay sa karamihan
at sumasalungat sa lahat
ng tamang kaisipan.
2 Ang taong hangal
ay hindi naghahangad na matuto;
ang gusto lang niya
ay masabi ang nasa isipan.
3 Ang paggawa ng kasamaan
at nakakahiyang mga bagay
ay makapagbibigay ng kahihiyan.
4 Ang salita ng taong marunong
ay nakapagbibigay ng karunungan sa iba;
ito ay katulad ng tubig na umaagos
mula sa malalim na batis.
5 Hindi mabuting kampihan
ang taong nagkasala
at hindi mabuting ipagkait
ang katarungan
sa taong walang kasalanan.
6 Ang sinasabi ng taong hangal
ang pinagsisimulan ng alitan
at magdadala sa kanya
sa kaguluhan.
7 Ang mga sinasabi ng hangal
ang magpapahamak sa kanya
at ang kanyang mga labi
ay bitag sa kanyang buhay.
8 Ang tsismis
ay parang pagkaing masarap nguyain at lunukin;
at nakakarating sa kaloob-looban ng tao.
9 Ang taong tamad magtrabaho,
pareho ng mapanirang tao.
10 Ang Panginoon ay katulad
ng toreng matibay,
kanlungan ng mga matuwid
sa oras ng panganib.
11 Ang akala ng taong mayaman
ay maipagtatanggol siya
ng kanyang kayamanan
tulad ng mga pader na nakapalibot
sa buong bayan.
12 Ang pagmamataas ng tao
ang magpapahamak sa kanya,
ngunit ang pagpapakumbaba
ang magpaparangal sa kanya.
13 Hangal at kahiya-hiya
ang taong sumasagot sa usapan
nang hindi muna nakikinig.
14 Sa taong may karamdaman,
tatag ng loob ang magbibigay kalakasan.
Kung mawawalan siya ng pag-asa,
wala nang makakatulong pa sa kanya.
15 Ang taong marunong at nakauunawa
ay lalo pang naghahangad
ng karunungan.
16 Madaling makikipagkita
sa iyo ang dakilang tao
kapag may dala kang regalo
para sa kanya.
17 Ang unang naglahad ng salaysay sa korte
ay parang iyon na ang totoo,
hanggang hindi pa nasusuri
at natatanong ng kabilang panig.
18 Napapatigil ng palabunutan
ang mga alitan,
at pinagkakasundo ang mahigpit
na magkalaban.
19 Mas madali pang sakupin
ang isang napapaderang bayan
kaysa sa makipagbati
sa kapatid na nasaktan.
Kung paanong mahirap wasakin
ang mga kandado ng tarangkahan
ng palasyo,
mahirap din pigilin ang alitan
ng dalawang tao.
20 Sa bunga ng bibig ng tao,
mabubusog ang kanyang tiyan.
At sa kahihinatnan ng salitang
kanyang binibitawan,
siya ay nasisiyahan.
21 Ang salita ng tao
ay makapagliligtas ng buhay
o kaya ay nakamamatay.
Kaya mag-ingat sa pagsasalita
sapagkat aanihin mo ang mga bunga nito.
22 Kung nakapag-asawa ka,
nakatanggap ka ng kabutihan,
at ito ang nagpapakita na mabuti
ang Panginoon sa iyo.
23 Nakikiusap ang dukha,
ngunit ang mayaman
ay masakit magsalita.
24 May mga kaibigang nagdudulot
ng kapahamakan
ngunit may kaibigan mas malapít pa
kaysa sa kapatid.