1 Anak, kung nangako kang panagutan
ang pagkakautang ng iba,
kung nakipagkasundo ka
sa isang hindi mo kilala,
2 kung ikaw ay naipit sa iyong mga sinabi
at nabitag ng iyong mga salita,
3 ito ang gawin mo upang ikaw ay lumaya
dahil tuluyan ka nang nahulog
sa kamay ng iyong kapwa:
Puntahan mo siya at ikaw
ay magpakumbaba,
pakiusapan mo siya
hanggang sa palayain ka.
4 Huwag mo nang ipagpaliban,
gawin mo na ngayon.
Huwag mong hayaang
ikaʼy makatulog.
5 Palayain mo ang iyong sarili
tulad ng isang ibon o usa
na nakawala sa bitag
ng isang mangangaso.
6 Kayong mga tamad, tingnan ninyo at pag-aralan
ang pamumuhay ng mga langgam
upang matuto kayo sa kanila.
7 Kahit na walang namumuno
at nag-uutos sa kanila,
8 nag-iipon sila ng pagkain kapag tag-araw
at panahon ng anihan,
upang may makain sila
pagdating ng tag-ulan.
9 Kayong mga tamad,
hanggang kailan kayo mahihiga dʼyan?
Kailan kayo babangon
mula sa inyong pagtulog?
10 Kaunting tulog, kaunting pahinga
at ang paminsan-minsang paghalukipkip
ng mga kamay,
11 at hindi ninyo mamamalayang
darating ang kahirapan
na para kayong ninakawan ng tulisan.
12 Ang taong walang kuwenta
at masama ay puro kasinungalingan
ang sinasabi.
13 Kumikindat at sumisenyas siya
gamit ang kanyang mga kamay at paa.
14 Ang puso niya ay puno ng pandaraya,
laging nagbabalak na gumawa ng masama
at sa mga gulo siya ang nagpapasimula.
15 Kaya biglang darating sa kanya
ang kapahamakan
at hindi na siya matutulungan.
16 May anim na bagay na kinamumuhian ang Panginoon,
pito na kinasusuklaman niya:
17 mapagmataas na mga mata,
sinungaling na dila,
mga kamay na pumapatay
sa mga walang sala,
18 pusong nagbabalak ng masasamang pakana,
mga paang sumusugod sa paggawa ng masama,
19 bulaang saksi na puno ng kasinungalingan,
at taong nag-uudyok ng gulo sa angkan.
20 Anak, sundin mo ang itinuturo
at iniuutos ng iyong mga magulang.
21 Itanim mo ito sa iyong isipan
upang hindi mo makalimutan.
22 Ito ang papatnubay, mag-iingat
at magpapaalala sa iyong pamumuhay,
kahit ano pa ang iyong ginagawa.
23 Sapagkat ang mga turo
at utos ng iyong mga magulang
ay katulad ng isang ilaw
na tatanglaw sa iyo.
At ang kanilang pagsaway sa iyo
upang ituwid ang ugali mo
ay ikabubuti at ikahahaba ng buhay mo.
24 Ilalayo ka rin nito
sa masamang babaeng nakakaakit
ang pananalita.
25 Huwag kang magnanasa
sa kanyang kagandahan.
Huwag kang patutukso
sa kanyang pang-aakit.
26 Ang pakikipagsiping sa babaeng bayaran
ay puwedeng bayaran sa halaga ng tinapay,
ngunit ang pakikipagsiping sa asawa ng iba
ay pagbabayaran mo ng iyong buhay.
27 Kung maglalaro ka ng apoy
sa iyong kandungan
tiyak na masusunog ang damit mo.
28 At kung tatapak ka sa baga,
mapapaso ang mga paa mo.
29 Kaya kung mayroong sumiping
sa asawa ng iba,
ang sinumang humawak sa kanya
ay tiyak ang parusa.
30 Hindi hinahamak ng tao ang magnanakaw
kung ginagawa niya iyon
upang maibsan ang kanyang gutom.
31 Subalit, sa sandaling siyaʼy mahuli,
pitong ulit siyang magbabayad,
kahit na maubos pa ang lahat
ng kayamanan niya.
32 Ang taong nangangalunya ay salat sa karunungan.
Ang kanyang sariliʼy dinadala sa kapahamakan.
33 Masasaktan at mapapahiya siya
at hindi maaalis habambuhay
ang kahihiyan niya.
34 Sapagkat ang asawang seloso ay labis kung magalit
at maghihiganti siya nang walang awa.
35 Kahit magkano pa ang ibayad,
hindi niya ito tatanggapin.