1 Anak, huwag mong kalilimutan
ang mga itinuturo ko sa iyo.
Ingatan mo sa iyong puso
ang mga iniuutos ko,
2 sapagkat ito ang magpapahaba
at magpapaunlad ng iyong buhay.
3 Manatili kang mapagmahal at matapat;
alalahanin mo itong lagi
at itatak sa iyong isipan.
4 Kapag ginawa mo ito,
malulugod ang Diyos
pati na ang mga tao.
5 Magtiwala ka nang buong puso
sa Panginoon
at huwag kang manalig
sa iyong sariling karunungan.
6 Alalahanin mo ang Panginoon
sa lahat ng iyong ginagawa
at ituturo niya sa iyo ang tamang landas.
7 Huwag mong isiping
napakarunong mo na.
Matakot ka sa Panginoon,
at huwag gumawa ng masama.
8 Para iyon sa ikabubuti
at ikalalakas ng iyong katawan.
9 Parangalan mo ang Panginoon
sa pamamagitan
ng paghahandog sa kanya
ng mga unang bunga ng iyong ani.
10 Kapag ginawa mo ito, mapupuno ng ani
ang iyong mga bodega
at aapaw ang inumin sa iyong mga sisidlan.
11 Anak, huwag mong mamasamain
kapag itinutuwid ka ng Panginoon.
Huwag mong kasuklaman
ang kanyang pagsaway.
12 Sapagkat itinutuwid ng Panginoon
ang ugali ng kanyang mga minamahal,
katulad ng ginagawa ng isang ama
sa kanyang anak na kinalulugdan.
13 Pinagpala ang mga taong
natagpuan ang karunungan,
gayundin ang mga taong
nakamtan ang kaunawaan.
14 Sapagkat mas mainam pa ito kaysa pilak,
at mas higit pa ang bunga nito kaysa ginto,
15 at sa ano pa mang mga mamahaling bato.
Walang anumang bagay
ang maaaring ipantay dito.
16 Magpapahaba ito ng iyong buhay,
magpapaunlad ng iyong kabuhayan
at magbibigay sa iyo ng karangalan.
17 Ang karunungan
ay magpapabuti ng iyong kalagayan.
18 Mapalad ang taong may karunungan,
dahil magbibigay ito ng mabuti
at mahabang buhay.
19,20 Sa pamamagitan ng karunungan,
nilikha ng Panginoon ang lupa
at ang langit,
at bumukas ang mga bukal
at mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan.
21 Anak, ingatan mo ang iyong karunungan
at kaalaman sa pagpapasya ng tama.
Huwag mong hayaang
mawala ito sa iyo.
22 Sapagkat ito ang magbibigay sa iyo
ng mahaba at magandang buhay.
23 Mabubuhay kang ligtas
sa anumang kapahamakan.
24 Makakatulog ka nang mahimbing
at walang kinakatakutan.
25 Hindi ka dapat matakot kung biglang dumating
ang mga pangyayaring nakakatakot
o kung lilipulin na ang masasamâ,
26 dahil makakaasa kang babantayan ka
ng Panginoon
at ilalayo sa kapahamakan.
27 Huwag mong pagkaitan ng tulong
ang mga nangangailangan nito
kung may kakayanan
kang tumulong sa kanila.
28 Huwag mo nang ipagpabukas pa,
kung kaya mo naman silang tulungan ngayon.
29 Huwag mong pagplanuhan ng masama
ang kapitbahay mong nagtitiwala sa iyo.
30 Huwag kang makipagtalo sa kapwa mo
nang walang sapat na dahilan,
lalo na kung wala naman siyang
ginawang masama sa iyo.
31 Huwag mong kainggitan ang taong malupit
o gayahin ang kanyang mga ginagawa.
32 Sapagkat nasusuklam ang Panginoon
sa mga taong baluktot ang pag-iisip,
ngunit nagtitiwala siya sa mga namumuhay
nang matuwid.
33 Isinusumpa ng Panginoon
ang sambahayan ng masasamâ,
ngunit pinagpapala niya
ang sambahayan ng mga matuwid.
34 Hinahamak niya ang mga nanghahamak ng kapwa,
ngunit binibiyayaan niya
ang mga mapagpakumbaba.
35 Ang mga marunong ay pararangalan,
ngunit ang mga hangal
ay ilalagay sa kahihiyan.