Publicidade

Provérbios 21

1 Ang isipan ng hari ay parang ilog

na pinapadaloy ng Panginoon

saan man niya naisin.

2 Inaakala ng tao na tama

ang lahat ng kanyang ginagawa,

ngunit sinisiyasat ng Panginoon

kung ano ang nasa puso.

3 Ang paggawa ng matuwid at makatarungan

ay kalugod-lugod sa Panginoon

kaysa sa paghahandog.

4 Ang mapagmataas na mata

at mayabang na puso,

ang ilaw ng mga masasama

ay kasalanan.

Ganyan ang ugali

ng mga taong makasalanan.

5 Ang gawaing plinanong mabuti

at pinagsikapan

ay patungo sa kaunlaran,

ngunit ang gawaing padalos-dalos

ay maghahatid ng karalitaan.

6 Ang kayamanang nakuha sa pandaraya

ay madaling mawala

at maaaring humantong

sa maagang kamatayan.

7 Ang karahasan ng masasamâ

ang magpapahamak sa kanila,

sapagkat ayaw nilang gawin ang tama.

8 Hindi matuwid ang gawain

ng taong may kasalanan,

ngunit matuwid ang gawain

ng taong walang kasalanan.

9 Mas mabuti pang tumirang mag-isa

sa bubungan ng bahay

kaysa sa loob ng bahay

na ang kasama

ay asawang palaaway.

10 Ang masasamâ

ay laging gustong gumawa ng masama

at sa kanilang kapwa

ay wala silang awa.

11 Kapag ang manunuya

ay pinarusahan mo,

ang mga wala sa katinuan

ay matututo.

Kapag ang marunong naman

ang tinuruan mo,

lalo siyang magiging matalino.

12 Alam ng matuwid na Diyos

kung ano ang ginagawa

ng sambahayan ng masasamâ,

at parurusahan niya sila.

13 Ang hindi pumansin sa daing ng mahirap,

kapag siya naman ang dumaing

ay walang lilingap.

14 Kapag ang kapwa mo ay may galit sa iyo,

mawawala iyon sa palihim na regalo.

15 Kapag katarungan ang umiiral,

ang mga matuwid ay natutuwa,

ngunit natatakot ang masasama.

16 Ang taong lumilihis sa karunungan

ay hahantong sa kamatayan.

17 Ang taong maluho at puro pagdiriwang

ay hindi yayaman

kundi lalo pang maghihirap.

18 Pinarurusahan ang masasama

at makasalanan

upang iligtas ang taong matuwid.

19 Mas mabuti pang manirahan sa disyerto

kaysa manirahan sa bahay na kasama

ang asawang magagalitin at palaaway.

20 Ang taong marunong ay pinaghahandaan

ang kanyang kinabukasan,

ngunit ang mangmang,

winawaldas ang lahat

hanggang sa maubusan.

21 Ang taong namumuhay

sa katuwiran at kabutihan

ay hahaba ang buhay,

magtatagumpay at pararangalan.

22 Mapapasuko ng matalinong pinuno

ang bayan na maraming sundalo,

at kaya niyang gibain ang mga pader

na kanilang inaasahang tanggulan.

23 Ang taong nag-iingat

sa kanyang mga sinasabi

ay nakakaiwas sa gulo.

24 Ang taong palalo at mayabang

ay makikilala mo

dahil nangungutya siya

at sukdulan ang kayabangan.

25 Kung marami kang ninanais

ngunit tamad kang magtrabaho,

iyon ang sisira sa iyo.

26 Ang taong tamad

ay laging naghahangad na makatanggap,

ngunit ang taong matuwid

ay nagbibigay nang walang alinlangan.

27 Kinasusuklaman ng Panginoon

ang handog ng taong masama,

lalo na kung ihahandog niya ito

nang may layuning masama.

28 Patitigilin sa pagsasalita

ang saksing bulaan,

ngunit ang saksing nagsasabi

ng totoo ay pakikinggan.

29 Ang taong masama ay hindi pinag-iisipan

ang kanyang ginagawa,

ngunit ang taong matuwid

ay pinag-iisipan muna nang mabuti

ang kanyang ginagawa.

30 Walang karunungan,

pang-unawa o payo

ang makakapantay sa Panginoon.

31 Kahit nakahanda na ang mga kabayo

para sa digmaan,

ang Panginoon pa rin

ang nagbibigay ng katagumpayan.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-