Publicidade

Provérbios 2

Ang Kahalagahan ng Karunungan

1 Anak, tanggapin at ingatan mo sa iyong puso

ang mga itinuturo at iniuutos ko sa iyo.

2 Pakinggan mo kung ano

ang makapagbibigay sa iyo

ng karunungan at kaalaman.

3 Manawagan ka

upang ikaʼy maging marunong,

at magsumamo ka

upang ikaʼy makaunawa

4 na parang naghahanap ka ng pilak

o anumang nakatagong kayamanan.

5 Kung gagawin mo ito, malalaman mo

kung ano ang pagkatakot sa Panginoon

at mauunawaan mo ang tungkol sa kanya.

6 Sapagkat ang Panginoon

ang nagbibigay ng karunungan,

kaalaman, at ng pang-unawa.

7 Pinagtatagumpay niya

ang taong matuwid,

siyaʼy kalasag

ng mga walang kapintasan.

8 Sapagkat siya ang nagbabantay

sa kanilang daraanan,

at ang kanilang landas

ay kanyang iingatan.

9 Sa gayoʼy mauunawaan mo

kung ano ang tama at mali,

kung alin ang makatarungan,

at masusunod mo ang daang mabuti

para sa iyo.

10 Sapagkat lalong lalawak

ang iyong karunungan

at magbibigay ito sa iyo

ng kaligayahan.

11 Kapag nakakaunawa ka

at marunong magpasya nang tama,

iingatan ka nito.

12 Ilalayo ka ng karunungan

sa masamang pag-uugali

at sa mga taong nagsasalita

ng masama.

13 Pinili ng mga taong ito na iwanan

ang magandang pag-uugali

at sumunod sa pamamaraan

ng mga nasa kadiliman.

14 Natutuwa sila sa paggawa ng masama

at nasisiyahan sa mga kalikuan nito.

15 Masama ang pag-uugali nila

at hindi matuwid ang kanilang pamumuhay.

16 Ilalayo ka ng karunungan

sa masamang babae

na gustong umakit sa iyo

sa pamamagitan ng kanyang

matatamis na salita.

17 Iniwan ng ganyang babae

ang napangasawa niya

noong kanyang kabataan.

Kinalimutan niya

ang pangako niya sa Diyos

nang silaʼy ikasal.

18 Kapag pumunta ka sa kanyang tahanan,

didiretso ka sa iyong kamatayan,

dahil ito ang daan patungo sa libingan.

Sapagkat ito ang daan

tungo sa daigdig ng mga patay.

19 Kung sino man ang pupunta sa kanya

ay hindi na makakauwi;

makakalimutan na niya ang daan

patungo sa lugar ng mga buháy.

20 Kaya tularan mo

ang pamumuhay ng mabubuting tao

at mamuhay ka nang matuwid.

21 Sapagkat ang taong namumuhay

nang matuwid at walang kapintasan

ay mabubuhay nang matagal

dito sa daigdig.

22 Ngunit ang masasamâ

ay palalayasin.

Bubunuting parang

ugat ang mga taksil.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-