1 Narito pa ang ilang kawikaan ni Solomon na kinopya ng mga tauhan ni Haring Ezequias ng Juda.
2 Karangalan ng Diyos
na ilihim ang isang bagay,
at karangalan naman ng hari
na tuklasin ang isang bagay.
3 Kung gaano kataas ang langit
at kalalim ang lupa,
ganoon din ang puso ng hari
na hindi kayang saliksikin.
4 Ang dumi sa pilak ay tanggalin
upang ang panday
ay magawa itong gamitin.
5 Kailangang alisin ang masasamang
tauhan ng hari
upang magpatuloy ang katuwiran
sa kanyang kaharian.
6 Kung nasa harapan ka ng hari,
huwag mong ipagyabang ang iyong sarili
o di kayaʼy ilugar ang sarili
sa mga dakilang nanunungkulan.
7 Mas mabuti kung siya ang magsabi,
"Halika dito sa aking tabi,"
kaysa ipahiya ka sa harap
ng mga maharlika.
8 Huwag kang magpabigla-biglang magsabi
sa korte ng iyong nakita.
Kung mapatunayan ng isang saksi na mali ka,
ano na lang ang gagawin mo?
9 Kung may alitan kayo ng iyong kapwa,
itoʼy inyong pag-usapan muna.
At ang lihim ng bawat isa
ay huwag sasabihin sa iba.
10 Baka makarating sa kaalaman ng madla
at kayoʼy maging kahiya-hiya.
11 Kapag ang salitang binigkas
ay angkop sa pagkakataon,
itoʼy parang gintong mansanas
na nakalagay sa isang lalagyang pilak.
12 Tulad ng gintong hikaw
o mamahaling hiyas na ginto
ang pagsaway ng matalino
sa nakikinig na tao.
13 Ang mapagkakatiwalaang sugo
ay nagbibigay ng kasiyahan
sa kanyang pinaglilingkuran,
tulad ng malamig na tubig
sa panahon ng tag-init.
14 Ang taong hindi tumutupad
sa kanyang pangako
ay parang ulap at hangin
na walang dalang ulan.
15 Ang mapagpasensya
at ang mahinahon magsalita
ay makapanghihikayat ng mga pinuno
at kahit na ng may matitigas na puso.
16 Huwag kang kakain ng labis na pulot
at baka magsuka ka.
17 Huwag kang dadalaw ng madalas sa iyong kapitbahay,
baka magalit siya at sa iyo ay magsawa.
18 Ang taong sumasaksi
sa kasinungalingan laban
sa kanyang kapwa
ay nakakapinsala tulad ng espada,
pamalo at pana.
19 Ang pagtitiwala sa taong
hindi mapagkakatiwalaan
sa oras ng pangangailangan
ay walang kuwenta
tulad ng paang pilay o ngiping umuuga.
20 Kung aawitan mo ng masasayang
himig ang taong labis ang hinagpis,
para mong binuhusan
ng suka ang kanyang sugat,
o di kayaʼy inalisan siya
ng balabal sa taglamig.
21 Kapag nagugutom ang iyong kaaway,
pakainin mo;
kapag nauuhaw,
painumin mo.
22 Kapag ginawa mo ito
mahihiya siya sa iyo
at ang Panginoon
ang magpapala sa iyo.
23 Kung paanong ang hanging habagat
ay nagdadala ng ulan,
nagdadala naman ng galit
ang naninira ng kapwa.
24 Mas mabuting tumira nang mag-isa
sa bubungan ng bahay
kaysa sa loob ng bahay na kasama
ang asawang palaaway.
25 Ang magandang balita
mula sa malayong lugar
ay parang malamig na tubig
sa taong nauuhaw.
26 Ang matuwid na umaayon
sa gawain ng masamang tao
ay parang maruming balon
at malabong bukal.
27 Kung paanong masama
ang pagkain ng labis na pulot,
ganoon din ang paghahangad
ng sariling kapurihan.
28 Ang taong walang pagpipigil sa sarili
ay tulad ng isang bayan
na nasira ang pader.