Publicidade

Provérbios 24

Ikadalawampung Kawikaan

1 Huwag kang mainggit sa mga taong masama

o hangarin mang makipagkaibigan sa kanila.

2 Sapagkat ang iniisip nila at sinasabi

ay para sa kapahamakan ng iba.

Ikadalawampuʼt Isang Kawikaan

3,4 Sa pamamagitan ng iyong husay,

maitatayo mo at mapapaunlad

ang iyong tahanan.

Mapupuno rin ito

ng mahahalagang kayamanan.

Ikadalawampuʼt Dalawang Kawikaan

5 Ang taong marunong

ay malaki ang maitutulong

upang lalong lumakas

ang mga nakikipaglaban,

6 sapagkat kailangan nila

ng mga payo sa pakikipaglaban.

At higit na matitiyak ang tagumpay

kung maraming nagpapayo.

Ikadalawampuʼt Tatlong Kawikaan

7 Ang karunungan ay hindi maunawaan

ng mangmang.

Wala siyang masabi

kapag mahahalagang bagay

ang pinag-uusapan.

Ikadalawampuʼt Apat na Kawikaan

8 Ang taong laging nagpaplano ng masama

ay kikilalaning may pakana

ng kasamaan.

9 Anumang pakana ng hangal ay kasalanan,

at kinasusuklaman ng mga tao

ang sinumang nangungutya.

Ikadalawampuʼt Limang Kawikaan

10 Kapag ikaw ay pinanghihinaan ng loob

sa panahon ng kahirapan,

kay liit naman ng iyong lakas!

11 Sagipin mo ang mga taong patungo

sa kanilang kamatayan;

iligtas mo silang mga patungo

sa kanilang kapahamakan.

12 Kapag sinabi mong,

"Hindi namin alam ʼyan,"

hindi baʼt alam ito ng Diyos

na sumisiyasat sa puso?

Siya ang nagbabantay sa iyong buhay,

hindi ba niya nalalaman ito?

Gagantimpalaan niya ang lahat

ayon sa kanilang mga ginawa.

Ikadalawampuʼt Anim Kawikaan

13 Anak, kumain ka ng pulot

sapagkat mabuti ito sa iyo,

ang pulot mula sa pulot-pukyutan

ay matamis sa iyong panlasa.

14 Sapagkat kung marunong ka,

mapapabuti ang iyong kinabukasan

at mapapasaiyo ang iyong

mga hinahangad.

Ikadalawampuʼt Pitong Kawikaan

15 Huwag kang tumambang

na parang magnanakaw

sa bahay ng matuwid,

huwag mong pagnakawan

ang kanilang tahanan.

16 Ang taong matuwid,

mabuwal man ng pitong ulit

ay tiyak na makakabangon ulit.

Hindi tulad ng taong

masama na kapag nabuwal

ay hindi na makakabangon pa.

Ikadalawampuʼt Walong Kawikaan

17 Huwag kang magdiwang

kapag bumagsak ang iyong kaaway,

o di kayaʼy magalak

sa kanilang pagkakadapa,

18 dahil kapag nakita ng Panginoon

na ikaʼy nasisiyahan,

hindi niya ito magugustuhan,

at ang iyong kaaway ay hindi

na niya parurusahan.

Ikadalawampuʼt Siyam na Kawikaan

19 Huwag kang mabalisa

o mainggit sa mga taong masasama,

20 sapagkat wala silang mabuting kinabukasan

at magiging tulad sila

ng ilaw na namatay.

Ikatatlumpung Kawikaan

21 Anak, matakot ka sa Panginoon

at sa hari.

Huwag kang makisama

sa mga taong sumusuway sa kanila,

22 sapagkat hindi mo alam kung anong kapahamakan

ang biglang ibibigay ng Panginoon

o ng hari sa kanila.

23 Narito pa ang ilang kawikaan ng marurunong na tao:

Hindi dapat magtangi ng tao

sa paghatol ng katarungan.

24 Kapag pinalaya mo

ang taong may kasalanan,

susumpain ka

at kamumuhian ng mga tao.

25 Ngunit kapag pinarusahan mo

ang may kasalanan,

matutuwa ang mga tao

at pagpapalain ka.

26 Ang matapat na sagot

ay tulad ng halik ng pagkakaibigan.

27 Ihanda mo muna ang iyong pagkakakitaan,

tulad ng iyong bukid na taniman

bago ka magtatag ng sariling tahanan.

28 Huwag kang sasaksi sa iyong kapwa

nang walang sapat na dahilan,

o magsalita laban sa kanya

ng kasinungalingan.

29 Huwag mong sasabihin,

"Gaganti ako.

Gagawin ko sa kanya

ang ginawa niya sa akin."

30 Dumaan ako sa bukid

ng isang tamad

doon sa ubasan

ng isang walang muwang.

31 Puno na ito ng mga damo

at matitinik na halaman,

at giba na ang mga bakod nito.

32 Nang makita ko ito,

napaisip ako nang mabuti,

at natutunan ko ang aral na ito:

33 Sa kaunting dagdag na tulog,

sa kaunting pag-idlip,

sa kaunting paghahalukipkip

ng mga kamay para magpahinga,

34 darating na parang magnanakaw

ang kahirapan

at ang kakulangan gaya

ng pagsalakay ng tulisan.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-