1 Ang alak ay nagbubunga ng panunuya,
inuming matapang na dulot ay kaguluhan,
kaya ang taong naglalasing ay salat
sa karunungan.
2 Ang poot ng hari ay nakakasindak
tulad ng atungal ng leon.
Manganganib ang buhay
ng gumagalit sa kanya.
3 Ang pag-iwas sa gulo
ay tanda ng karangalan;
ang hangal lang ang may gusto
ng kaguluhan.
4 Ang taong tamad mag-araro
sa panahon ng pagtatanim
ay walang makukuha
pagdating ng anihan.
5 Ang isipan ng tao ay tulad ng tubig
sa balong malalim,
kaya itong igibin ng taong marunong.
6 Marami ang nagsasabing sila ay tapat,
ngunit ang totooʼy mahirap makahanap
ng taong tunay na mapagkakatiwalaan?
7 Ang taong matuwid
ay walang kapintasan.
Mapalad ang mga anak niya
kung siya ang kanilang tinutularan.
8 Kapag ang hari ay humahatol,
tinitiyak muna niya kung sino
ang gumawa ng masama.
9 Sino ang makapagsasabing,
"Napanatili kong malinis ang aking puso.
Busilak ito at walang kasalanan."
10 Ang madadayang timbangan at sukatan,
sa paningin ng Panginoon
ay kasuklam-suklam.
11 Ang mga ginagawa ng isang kabataan
ay nagpapakita ng kanyang
tunay na pag-uugali,
kung siya ba ay matuwid o hindi.
12 Ang taingang nakakarinig
at matang nakakakita
ay ang Panginoon
ang siyang gumawa.
13 Kung tulog ka nang tulog
maghihirap ka,
ngunit kung magsisikap ka,
ang iyong pagkain ay sasagana.
14 Pinipintasan ng mamimili ang kanyang
binibili upang makatawad siya.
Ngunit kung itoʼy nabili na
ay ipinagyayabang pa.
15 Marami ang ginto at mamahaling bato,
ngunit iilan lamang ang nakapagsasalita
nang may karunungan.
16 Kung may taong nangako
na babayaran niya sa iyo
ang utang ng taong hindi niya kilala,
tiyakin mong makakakuha ka
sa kanya ng garantiya,
upang makatiyak kang babayaran ka niya.
17 Ang pagkaing nakuha sa pandaraya
sa una ay matamis ang lasa,
ngunit sa huli ay lasang buhangin na.
18 Humingi ka ng payo
sa iyong pagpaplano
o bago makipaglaban sa digmaan.
19 Ang taong masalita nagbubunyag ng sikreto,
kaya iwasan mo ang ganyang uri ng tao.
20 Mamamatay ang sinumang sumumpa
sa kanyang magulang,
para siyang ilaw na namatay
sa gitna ng kadiliman.
21 Ang mana na kinuha ng maaga
sa bandang huliʼy hindi magiging pagpapala.
22 Huwag kang maghiganti.
Magtiwala ka sa Panginoon,
at tutulungan ka niya.
23 Nasusuklam ang Panginoon
sa mga nandadaya sa timbangan.
Hindi ito mabuting gawain.
24 Ang Panginoon ang nagkaloob
nitong ating buhay,
kaya hindi natin alam
ang ating magiging kapalaran.
25 Bago mangako sa Diyos
ay isiping mabuti,
baka magsisi ka sa bandang huli.
26 Tinitiyak ng isang matalinong hari
na malaman kung sino
ang gumagawa ng kasamaan
at pagkatapos, silaʼy parurusahan.
27 Ang espiritu ng tao
ay parang ilaw ng Panginoon
na sumisiyasat sa kaloob-looban ng pagkatao.
28 Ang haring mabuti at tapat
ay hindi mapapahamak,
at magtatagal siya sa kanyang luklukan.
29 Karangalan ng kabataan
ang kanilang kalakasan,
at karangalan naman ng matatanda
ang kanilang katandaan.
30 Kung minsan ang parusa
ay nagdudulot ng mabuti
upang magbago tayo.