1 Ang karunungan ay katulad
ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay
na may pitong haligi.
2 Pagkatapos, nagdaos siya
ng isang malaking piging.
Naghanda siya ng mga pagkain
at inumin.
3 At inutusan niya
ang kanyang mga katulong na babae
na pumunta sa pinakamataas na lugar ng bayan
upang manawagan:
4 "Kayong mga walang muwang,
halikayo sa aking tahanan!"
Sinabi niya sa mga wala sa katinuan,
5 "Pumarito kayo at kumain
ng aking inihanda,
uminom kayo ng alak
na aking tinimpla.
6 Iwanan na ninyo ang kawalang katinuan
para kayoʼy mabuhay nang matagal
at may pang-unawa."
7 Kung sasawayin mo ang taong nangungutya,
iinsultuhin ka niya.
Kung sasawayin mo ang taong masama,
sasaktan ka niya.
8 Kaya huwag mong sasawayin
ang taong nangungutya,
sapagkat magagalit siya sa iyo.
Sawayin mo ang taong marunong
at mamahalin ka niya.
9 Kapag tinuruan mo
ang isang taong marunong,
lalo siyang magiging marunong.
At kapag tinuruan mo
ang isang taong matuwid,
lalo pang lalawak ang kanyang kaalaman.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon
ang simula ng karunungan.
At ang pagkilala sa Banal na Diyos
ay nagpapahiwatig ng pagkaunawa.
11 Sa pamamagitan ng karunungan,
hahaba ang iyong buhay.
12 Kung may karunungan ka,
magdudulot ito sa iyo ng kabutihan,
ngunit magdurusa ka
kung itoʼy iyong tatanggihan.
13 Ang kamangmangan ay katulad
ng isang babaeng maingay,
hindi marunong at walang nalalaman.
14 Nakaupo siya sa pintuan
ng kanyang bahay
o sa upuan sa mataas
na lugar sa lungsod,
15 at tinatawag ang mga dumadaan
na papunta sa kanilang trabaho.
16 Sabi niya, "Halikayo rito,
kayong mga wala sa katinuan."
At sinabi pa niya sa walang pang-unawa,
17 "Mas masarap ang tubig na ninakaw
at mas masarap ang pagkain
na kinakain ng lihim."
18 Ngunit hindi alam ng mga taong
pumupunta sa kanya
na sila ay mamamatay.
Ang mga nakapunta na sa kanya
ay naroon na sa libingan.