Publicidade

Provérbios 16

1 Nasa tao ang pagpaplano,

ngunit ang Panginoon ang nagpapasya

kung magaganap ito o hindi.

2 Ang akala ng taoʼy mabuti

ang kanyang mga ginagawa,

ngunit sinusuri ng Panginoon

ang tunay na hangarin niya.

3 Ipagkatiwala mo sa Panginoon

ang mga gagawin mo,

at magtatagumpay ka

sa iyong mga plano.

4 Ang lahat ay nilikha ng Panginoon

na mayroong layunin,

kahit na nga ang masasamâ,

itinalaga sila para sa kapahamakan.

5 Kinasusuklaman ng Panginoon

ang mayayabang

at tiyak na silaʼy parurusahan.

6 Kung minamahal natin ang Panginoon

nang may katapatan,

patatawarin niya

ang ating mga kasalanan.

Kung may takot tayo sa kanya

nang may paggalang,

makakalayo tayo sa kasamaan.

7 Kapag kinalulugdan ng Panginoon

ang ating pamumuhay,

kahit na ang ating kaaway

ay gagawin niyang ating kaibigan.

8 Mas mabuti pa ang kaunting halaga

na kinita sa matuwid na paraan,

kaysa sa malaking halaga na kinita

nang hindi makatarungan.

9 Ang tao ang nagpaplano,

ngunit nasa Panginoon

ang kaganapan nito.

10 Ang haring pinapatnubayan

ng karunungan ng Panginoon,

ay palaging tama ang paghatol.

11 Matapat na timbangan

at walang dayang sukatan

ang nais ng Panginoon sa kalakalan.

Ang tamang bigat

ang kanyang pamantayan.

12 Sa mga hari ay kasuklam-suklam

ang paggawa ng kasamaan,

dahil magpapatuloy lamang

ang kanilang pamamahala

kung sila ay makatuwiran.

13 Nalulugod ang mga hari

sa mga taong hindi nagsisinungaling;

minamahal nila ang mga taong

nagsasabi ng katotohanan.

14 Kapag ang hari ay nagalit

maaaring may masawi,

kaya sinisikap ng taong matalino

na malugod ang hari.

15 Kapag ang hari ay ngumingiti,

katumbas nito ay buhay.

Kapag ang hari ay nalulugod,

katulad nitoʼy ulan sa tagsibol.

16 Higit na mabuti ang magkaroon

ng karunungan at pang-unawa,

kaysa sa magkaroon ng pilak at ginto.

17 Ang daan ng matuwid

ay lumilihis sa kasamaan;

silang maingat sa kanilang landas

ay naililigtas ang kanilang buhay.

18 Ang kayabangan ay humahantong

sa kapahamakan,

at ang nagmamataas

ay ibabagsak.

19 Mas mabuti pang magpakumbaba

kasama ng mga mahihirap

kaysa makibahagi sa kayamanang kinamkam

ng mga mayayabang.

20 Ang taong nakikinig

kapag tinuturuan ay uunlad,

at ang taong nagtitiwala

sa Panginoon ay mapalad.

21 Ang marunong ay kinikilalang

may pang-unawa,

at kung siyaʼy magaling magsalita

marami ang matututo sa kanya.

22 Kapag may karunungan ka,

buhay moʼy bubuti at hahaba;

ngunit kung hangal ka, parurusahan ka

dahil sa iyong kahangalan.

23 Ang taong maalam ay nag-iingat

sa kanyang mga sinasabi,

kaya natututo ang iba sa kanya.

24 Ang matatamis na salita

ay parang pulot-pukyutan,

nakakapagpasaya at nakakapagpasigla

ng katawan.

25 Maaaring iniisip mo

na ikaw ay nasa tamang daan,

ngunit ang dulo pala nito

ay kamatayan.

26 Ang gutom ng mga manggagawa

ang dahilan ng kanilang pagsisikap,

ito ang nagtutulak

upang silaʼy magtrabaho.

27 Ang taong masama

ay nag-iisip ng kasamaan,

at ang bawat sabihin niya

ay parang apoy na nakakapaso.

28 Ang taong nanlilibak ng kapwa

ay nagsisimula ng away,

at ang matalik na magkaibigan

ay kanyang pinaghihiwalay.

29 Ang taong nabubuhay sa karahasan

ay nanghihikayat ng kanyang kapwa

sa kasamaan.

30 Mag-ingat sa taong ngingiti-ngiti

at kikindat-kindat

dahil maaaring masama

ang kanyang binabalak.

31 Ang katandaan ay tanda ng karangalan

na matatanggap ng taong

namumuhay sa katuwiran.

32 Higit na mabuti ang taong mapagpasensya

kaysa sa taong makapangyarihan.

Higit na mabuti ang taong

nakakapagpigil sa sarili

kaysa sa taong nakakasakop

ng isang lungsod.

33 Ang mga taoʼy nagpapalabunutan

subalit nasa Panginoon ang kapasyahan.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-