Publicidade

Provérbios 17

1 Ang kaunting pagkain na pinagsasaluhan

nang may kapayapaan

ay higit na mabuti kaysa sa saganang

pagkain ngunit may alitan.

2 Pamumunuan ng maalam na lingkod

ang nakakahiyang anak ng kanyang amo

at sa kanilang mamanahin

makakabahagi pa ito.

3 Sinusubok ng Panginoon ang puso

katulad ng apoy na sumusubok

sa pilak at ginto.

4 Ang taong masama

ay gustong makinig

sa kapwa niya masama,

at ang taong sinungaling

ay gustong makinig

sa kapwa niya sinungaling.

5 Ang kumukutya sa mahihirap

ay inaalipusta ang kanyang Manlilikha.

Ang taong nagagalak

sa kapahamakan ng iba

ay parurusahan.

6 Karangalan ng mga loloʼt lola

ang kanilang mga apo,

gayon din naman, karangalan ng mga anak

ang kanilang mga magulang.

7 Hindi bagay sa hangal

ang magsalita ng mabuti,

at lalong hindi bagay

sa isang namumuno

ang magsinungaling.

8 Sa tingin ng iba ang suhol

ay parang salamangka

na magagawa ang kahit anumang bagay.

9 Kung patatawarin mo

ang kasalanan ng iyong kaibigan,

mananatili ang inyong samahan,

ngunit kung patuloy mong uungkatin

ang kanyang kasalanan,

masisira ang inyong pagkakaibigan.

10 Sa isang saway lang natututo

ang taong may pang-unawa,

ngunit ang taong mangmang

ay hindi natututo

hampasin mo man nang walang awa.

11 Laging naghahanap ng gulo

ang taong masama,

kaya ipapadala laban sa kanya

ang isang taong malupit

na magpaparusa sa kanya.

12 Mas mabuti pang masalubong mo

ang isang osong inagawan ng anak

kaysa sa hangal na gumagawa

ng kahangalan.

13 Kapag kasamaan ang iginanti mo

sa kabutihang ginawa sa iyo,

palaging may masamang mangyayari

sa sambahayan mo.

14 Ang simula ng away

ay katulad ng butas sa isang dike,

kailangang tapalan bago lumaki.

15 Kasuklam-suklam sa Panginoon

ang taong nagpaparusa

sa taong walang kasalanan

o nagpapalaya sa taong may kasalanan.

16 Walang kabuluhang pag-aralin

ang taong hangal

sapagkat hindi naman niya

hinahangad ang matuto.

17 Ang kaibigan ay nagmamahal

sa lahat ng panahon,

at nagkakaroon tayo ng kapatid

para sa kagipitan ay tumulong.

18 Ang taong nangakong managot

sa utang ng iba

ay kulang sa karunungan.

19 Ang taong gusto ng kasalanan

ay gusto rin ng kaguluhan.

At ang taong mayabang

ay naghahanap ng kapahamakan.

20 Hindi uunlad ang taong

baluktot ang pag-iisip,

at ang taong sinungaling

ay daranas ng kasawian.

21 Ang anak na hangal

ay nagdudulot ng kalungkutan

at kabiguan sa magulang.

22 Ang pagiging masayahin

ay parang gamot na nakabubuti sa katawan,

ngunit ang pagiging malungkutin

ay nagpapahina ng katawan.

23 Ang taong masama

ay tumatanggap ng suhol

upang ipagkait ang makatarungang hatol.

24 Ang taong may pang-unawa

ay naghahangad pa ng karunungan;

ngunit ang isip ng mangmang

ay pagala-gala.

25 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapaitan

at kalungkutan sa kanyang

mga magulang.

26 Hindi mabuti na parusahan

ang taong matuwid o ang taong marangal.

27 Ang taong marunong at nakakaunawa

ay maingat magsalita

at hindi padalos-dalos.

28 Kahit ang mangmang

ay parang marunong

at nakakaunawa kapag tahimik.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-