Publicidade

Provérbios 4

Magkaroon ng Karunungan sa Anumang Paraan

1 Mga anak, pakinggan ninyong mabuti

ang mga pagtutuwid ng inyong ama

sa inyong pag-uugali,

upang lumawak

ang inyong pang-unawa.

2 Mabuti ang itinuturo kong ito,

kaya huwag ninyong ipagwalang bahala.

3 Noong bata pa ako

at nasa piling pa ng aking mga magulang,

mahal na mahal ako ng aking ina

bilang nag-iisang anak.

4 Tinuruan ako ni ama.

Sinabi niya sa akin,

"Anak, ingatan mo sa iyong puso

ang mga itinuturo ko.

Sundin mo ang mga utos ko

at mabubuhay ka nang matagal.

5 Pagsikapan mong magkaroon

ng karunungan at pang-unawa.

Huwag mong kalilimutan

ang mga sinasabi ko

at huwag kang hihiwalay dito.

6 Huwag mong tanggihan ang karunungan,

sa halip pahalagahan mo ito,

dahil iingatan ka nito.

7 Pinakamahalaga sa lahat

ang karunungan at pang-unawa.

Sikapin mong magkaroon nito

kahit na maubos pa ang lahat

ng kayamanan mo.

8 Tanggapin moʼt pahalagahan

ang karunungan,

dahil magbibigay ito

sa iyo ng karangalan.

9 Magiging parang koronang bulaklak ito

na magbibigay sa iyo ng kagandahan."

10 Anak, pakinggan mo at tanggapin

ang mga sinasabi ko sa iyo

upang humaba ang iyong buhay.

11 Tinuruan na kita ng karunungan,

kung paano mamuhay sa katuwiran.

12 Kapag ikaw ay naglalakad,

walang haharang sa iyong mga hakbang.

Kapag ikaw ay tumatakbo,

hindi ka matatalisod.

13 Huwag mong kalilimutan

ang pagtutuwid ko sa iyong pag-uugali;

ingatan mo ito sa puso mo

sapagkat mabubuhay ka

sa pamamagitan nito.

14 Huwag mong susundan

ang daan ng mga masasamâ.

Huwag mong gagayahin

ang ginagawa nila.

15 Iwasan mo ito

at huwag itong dadaan.

Talikuran mo ito

at magpatuloy sa matuwid na daan.

16 Sapagkat ang taong masama

ay hindi makatulog

kapag hindi nakakagawa ng masama

o walang naipapahamak.

17 Ang pagkain nila ay paggawa ng kasamaan

at ang inumin nila ay paggawa

ng karahasan.

18 Ang pamumuhay ng taong matuwid

ay parang sikat ng araw

na lalong nagliliwanag

habang tumatagal.

19 Ngunit ang pamumuhay ng taong masama

ay parang kadiliman;

hindi niya alam kung ano ang dahilan

ng kanyang pagbagsak.

20 Anak, pakinggan mong mabuti

ang itinuturo ko sa iyo.

21 Huwag mo itong kalilimutan

kundi ingatan sa puso mo.

22 Sapagkat magbibigay ito

ng malusog na katawan

at buhay sa sinumang

makakasumpong nito.

23 Higit sa lahat, ingatan mo

ang iyong isipan,

sapagkat kung ano ang iyong iniisip

iyon din ang magiging buhay mo.

24 Huwag kang magsalita

ng kasinungalingan at walang kabuluhan.

25 Ituon mo ang iyong paningin

sa mga bagay na mabuti.

26 Pag-isipan mong mabuti

ang iyong mga gagawin

upang magtagumpay ka.

27 Mamuhay ka sa katuwiran

at layuan mo ang kasamaan.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-