1 Ang karunungan at pang-unawa
ay katulad ng taong nangangaral.
2 Tumatayo siya sa matataas na lugar
sa tabi ng daan, sa mga kanto,
3 sa mga pintuan ng lungsod
at mga daanan.
Nangangaral siya nang malakas,
4 "Kayong mga tao sa buong mundo,
pakinggan ninyo ang panawagan ko.
5 Kayong mga walang alam,
magkaroon kayo ng karunungan.
Kayong mga mangmang
magkaroon kayo ng pang-unawa.
6 Makinig kayo sa sasabihin ko,
sasambitin ko ang mga bagay
na wasto at mahusay.
7 Ang sinasabi ko
ay pawang katotohanan lamang;
sa nagsasalita ng masama
ako ay nasusuklam.
8 Pawang matuwid ang sinasabi ko;
hindi ako nagsasalita ng kasinungalingan
o pandaraya.
9 Ang lahat ng sinasabi ko
ay malinaw at pawang tama
sa taong may pang-unawa.
10 Pahalagahan ninyo ang karunungan
at ang pagtutuwid ko
sa inyong ugali
kaysa sa pilak at ginto.
11 Sapagkat higit na mahalaga
ang karunungan kaysa
sa mamahaling hiyas
at hindi ito matutumbasan
ng mga bagay na hinahangad mo.
12 "Ako ang karunungan
at alam ko kung paano unawain
ang tama at mali,
at alam ko rin kung paano
magpasya nang tama.
13 Ang may takot sa Panginoon
ay lumalayo sa kasamaan.
Namumuhi ako sa kapalaluan, kayabangan,
pagsisinungaling at masamang pag-uugali.
14 Magaling akong magpayo
at may sapat na kaalaman.
May pang-unawa at kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ko
nakakapamuno ang mga hari
at ang mga pinunoʼy nakagagawa
ng mga tamang batas.
16 Sa pamamagitan ko
makakapamuno ang mga tagapamahala
at mga opisyal;
ang lahat na namumuno nang matuwid.
17 Minamahal ko ang mga nagmamahal sa akin;
makikita ako ng mga naghahanap sa akin.
18 Makapagbibigay ako ng kayamanan, karangalan,
kaunlaran at tagumpay na magtatagal.
19 Ang maibibigay ko ay higit pa
sa purong ginto at pilak.
20 Sinusunod ko ang tama at matuwid.
21 Bibigyan ko ng kayamanan
ang nagmamahal sa akin;
pupunuin ko ang lalagyan nila
ng kayamanan.
22 "Bilang una sa kanyang mga gawa,
nilikha ako ng Panginoon
bago pa man ang lahat.
23 Akoʼy nilikha niya
noong unang panahon,
sa pasimula, nang ang mundo ay nabuo.
24 Noong wala pang karagatan,
ako ay isinilang
noong wala pang mga bukal
na nag-uumapaw sa tubig,
25 bago pa maitatag ang mga kabundukan
bago ang mga kaburulan,
ako ay isinilang,
26 bago pa ginawa ng Diyos ang mundo
maging ang kabukiran,
o ang alabok sa lupa.
27 Naroon na ako nang likhain niya ang langit,
maging nang likhain niya
ang tagpuan ng langit at ng lupa.
28 Naroon din ako nang likhain niya
ang mga ulap,
nang palabasin niya ang tubig
sa mga bukal mula sa kailaliman,
29 nang ilagay niya ang hangganan
ng mga dagat
upang hindi ito umapaw,
at nang ilagay niya
ang mga pundasyon ng mundo.
30 Akoʼy nasa tabi niya bilang arkitekto.
Ako ang kanyang kasiyahan sa araw-araw,
at palagi rin akong masaya
sa piling niya.
31 Natutuwa ako sa mundong nilikha niya
at sa mga taong inilagay niya dito.
32 "Kaya ngayon mga anak, pakinggan ninyo ako.
Mapalad ang mga sumusunod
sa pamamaraan ko.
33 Pakinggan ninyo ang mga pagtutuwid ko
sa inyong pag-uugali
upang maging marunong kayo,
at huwag ninyo itong kalilimutan.
34 Mapalad ang taong palaging sa akin
nakatuon ang isip
at naghihintay upang makinig sa akin.
35 Sapagkat ang taong makakasumpong sa akin
ay magkakaroon ng buhay,
at pagpapalain siya ng Panginoon.
36 Ngunit ang taong
hindi makakasumpong sa akin
ay ipinapahamak ang kanyang sarili.
Ang mga galit sa akin
ay naghahanap ng kamatayan."