Publicidade

Provérbios 1

1 Ito ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.

2 Sa pamamagitan ng mga kawikaang ito,

magkakaroon ka ng karunungan,

maitutuwid ang iyong ugali

at iyong mauunawaan

ang mga aral na sa iyoʼy

magbibigay karunungan.

3 Sa pamamagitan din nitoʼy magiging disiplinado ka,

dahil itinuturo nito ang matuwid

na paraan ng pamumuhay,

mabuting pag-uugali, paggawa ng tama,

at pagiging makatarungan.

4 Makapagbibigay ito ng karunungan

sa mga walang kaalaman

at sa kabataaʼy magtuturo

ng tamang pagpapasya.

5 Sa pakikinig nito, ang marunong

ay lalong magiging marunong

at ang may pinag-aralan

ay magiging dalubhasa

6 sa pag-unawa sa kahulugan

ng mga kawikaan,

mga talinghaga, at mga bugtong

ng marurunong.

7 Ang pagkatakot sa Panginoon

ang simula ng karunungan.

Ngunit sa hangal, walang halaga

ang karunungan

at ayaw niyang maturuan.

Payo sa Pag-iwas sa Masamang Tao

8 Anak, dinggin mo ang turo at pagtutuwid

sa iyong pag-uugali ng iyong mga magulang,

9 dahil itoʼy makapagbibigay

sa iyo ng karangalan

katulad ng koronang gawa sa bulaklak

at makapagpapaganda katulad ng kuwintas.

10 Anak, huwag kang padadala

sa panghihikayat ng mga taong

makasalanan.

11 Huwag kang sasáma kapag sinabi nilang,

"Halika, sumáma ka sa amin!

Bilang katuwaan, mag-abang tayo ng papatayin,

manambang tayo ng inosente.

12 Kahit nasa kasibulan pa

ng kanilang buhay,

patayin natin sila upang matulad sila

sa mga taong pumunta

sa lugar ng mga patay.

13 Makakakuha tayo sa kanila

ng mga mamahaling ari-arian,

at pupunuin natin ang ating mga bahay

ng ating mga nasamsam.

14 Sige na, sumáma ka na sa amin,

at paghahatian natin

ang ating mga nasamsam."

15 Anak, huwag kang sumáma sa kanila;

iwasan mo sila.

16 Sapagkat mabilis sila

sa paggawa ng masama

at sa pagpatay ng tao.

17 Walang kabuluhan ang paglalagay ng bitag

kung ang ibong iyong huhulihin

ay nakatingin.

18 Ngunit ang taong masasama,

hindi nila alam na sila rin

ang magiging biktima ng ginagawa nila.

19 Ganyan ang mangyayari

sa mga taong ang ari-arian

ay nakuha sa masamang paraan.

Mamamatay sila

sa ganoon ding paraan.

Kapag Itinakwil ang Karunungan

20 Ang karunungan ay sumisigaw

sa lansangan,

sa pamilihan siya ay humihiyaw.

21 Nilalakasan niya ang kanyang boses

sa plasa at sa pintuang-bayan

at nagsasabing:

22 "Kayong mga walang alam,

hanggang kailan kayo

mananatiling ganyan?

Kayong mga nanunuya,

hanggang kailan kayo matutuwa

sa inyong panunuya?

Kayong mga hangal,

hanggang kailan ninyo

tatanggihan ang karunungan?

23 Pakinggan ninyo

ang pagsaway ko sa inyo.

Sasabihin ko sa inyo

kung ano ang iniisip ko.

Ipapaalam ko sa inyo

ang aking sasabihin laban sa inyo,

24 sapagkat hindi ninyo pinansin

ang panawagan ko

na lumapit kayo sa akin,

25 at binalewala ninyo

ang lahat ng aking payo

at hindi tinanggap

ang aking pagsaway.

26 Dahil ditoʼy pagtatawanan ko kayo

kapag napahamak kayo.

Kukutyain ko kayo

kapag natatakot kayo,

27 kapag dumating ang kinatatakutan

ninyo na parang bagyo,

kapag dumaan ang kapahamakan

sa inyo na parang ipuipo,

at kapag sumapit

sa inyo ang hinagpis at gulo.

28 "Tatawag kayo sa akin,

ngunit hindi ko kayo sasagutin.

Hahanapin ninyo ako

ngunit hindi ninyo ako makikita.

29 Dahil ayaw ninyo na tinuturuan kayo

at wala kayong takot sa Panginoon.

30 Tinanggihan ninyo ang mga payo ko

at minasama ang aking pagsaway sa inyo.

31 Kaya aanihin ninyo ang bunga

ng inyong mga ginagawa

at ng mga binabalak nʼyong masama.

32 Sapagkat ang katigasan ng ulo

ng mga taong wala sa katinuan

ang papatay sa kanila,

at ang pagsasawalang-bahala

ng mga hangal ang magpapahamak sa kanila.

33 Ngunit ang taong nakikinig sa akin

ay mabubuhay ng matiwasay,

ligtas siya sa panganib

at walang katatakutan."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-