1 Anak, pakinggan mong mabuti
ang mga sasabihin kong may karunungan,
2 upang malaman mo ang pagpapasya ng tama
at matuto ka ring magsalita
nang may karunungan.
3 Ang salita ng masamang babae
ay kasintamis ng pulot
at banayad tulad ng langis.
4 Ngunit pagkatapos ay pait at sakit
ang iyong makakamit
na para bang sugat na mula
sa espadang magkabila ang talim.
5 Kung susunod ka sa kanya,
dadalhin ka niya sa kapahamakan,
sapagkat ang nilalakaran niya
ay patungo sa kamatayan.
6 Hindi niya pinapansin
ang daan patungo sa buhay.
Ang dinadaanan niyaʼy liku-liko
at hindi niya ito nalalaman.
7 Kaya mga anak,
pakinggan ninyo ako at sundin.
8 Lumayo kayo sa babaeng masama,
at huwag kayong lumapit sa pintuan
ng kanyang bahay.
9 Dahil baka masira ang inyong dangal
at mapunta sa iba,
at mamatay kayo sa kamay
ng mga taong walang awa.
10 At ang lahat ng kayamanan ninyo
at ang inyong mga pinagpaguran
ay mapupunta sa iba,
sa mga taong hindi ninyo kilala.
11 Saka kayo mananangis
kapag malapit na kayong mamatay,
kapag butoʼt balat na lamang
at wala nang lakas.
12 Saka ninyo sasabihin,
"Sayang hindi ko kasi pinansin
ang mga pagtutuwid sa akin;
nagmatigas ako at sinunod ang gusto ko.
13 Hindi ako nakinig sa aking mga guro,
at hindi nagbigay-pansin
sa aking mga tagapayo.
14 Kaya ngayon, narito ako
sa gitna ng kapahamakan
at kahihiyan."
15 Ang asawa mo lamang
ang dapat mong sipingan.
Ika nga, inumin mo lamang
ang tubig sa sarili mong balon.
16 Huwag kang sisiping sa
kung kani-kanino diyan.
Kung baga, huwag mong ikalat
ang iyong tubig sa lansangan.
17 Ang tubig sa iyong balon
ay para lamang sa iyong asawa
at hindi ibinabahagi sa iba.
18 Pagpalain sana ang iyong asawa.
Maging maligaya ka sa kanya,
na napangasawa mo noong kayoʼy
mga bata pa.
19 Maganda siya at kaakit-akit gaya ng usa.
Lagi ka sanang masisiyahan sa kanyang dibdib,
at aakitin parati ng kanyang pag-ibig.
20 Anak, bakit ka paaakit sa babaeng mahalay?
Bakit mo yayakapin ang dibdib niya?
21 Sapagkat nakikita ng Panginoon
ang lahat ng iyong ginagawa;
saan ka man naroroon,
tinitingnan ka niya.
22 Ang masasamang tao
ay bihag ng kanilang kasamaan;
para itong bitag na huhuli sa kanila.
23 Mamamatay sila dahil wala silang disiplina;
silaʼy iniligaw ng kahangalan nila.