1 Ang malumanay na sagot
ay nakakapawi ng poot,
ngunit lalong nakakapagpagalit
ang pabalang na sagot.
2 Ang salita ng taong marunong
ay nagpapahiwatig ng karunungan,
ngunit ang salita ng hangal
ay nagpapakita ng kahangalan.
3 Nakikita ng Panginoon
ang lahat ng lugar.
Minamasdan niya ang ginagawa
ng masasama at ng mga matuwid.
4 Ang malumanay na pananalita
ay nakapagpapasigla ng kalooban ng tao,
ngunit ang masakit na salita
ay nakakasugat ng puso.
5 Hindi pinapansin ng taong hangal
ang pagtutuwid ng kanyang ama,
ngunit ang taong marunong,
sumusunod sa mga paalala sa kanya.
6 Dadami ang kayamanan
sa tahanan ng mga matuwid,
ngunit anumang pag-aari ng masasamâ
ay mawawala.
7 Ikinakalat ng marunong
ang kanyang karunungan,
ngunit hindi ito magawa ng mangmang.
8 Kasuklam-suklam sa Panginoon
ang handog ng masasamâ,
ngunit kalugod-lugod sa kanya
ang panalangin ng mga matuwid.
9 Kinamumuhian ng Panginoon
ang taong ang gawain ay masama,
ngunit ang taong nagsusumikap
na gumawa ng matuwid
ay minamahal niya.
10 Minamasama ng taong naliligaw ng landas
kapag itinutuwid siya.
Ang taong umaayaw sa mga pagtutuwid
ay mamamatay.
11 Kung alam ng Panginoon
ang nangyayari sa daigdig ng mga patay,
lalo namang alam niya
ang nasa puso ng mga taong buháy.
12 Ang taong nangungutya
ay minamasama ang pagsaway;
ayaw ding tumanggap ng payo
mula sa taong may karunungan.
13 Kapag ang tao ay masaya, nakangiti siya,
ngunit kapag ang tao ay malungkot,
mukha niya ay nakasimangot.
14 Ang taong may pang-unawa
ay naghahangad pa ng karunungan,
ngunit ang taong hangal
ay naghahangad pa ng kahangalan.
15 Ang buhay ng mga dukha
ay palaging mahirap,
ngunit kung makukuntento lang sila
ay palagi silang magiging masaya.
16 Mas mabuti pang maging mahirap
na may takot sa Panginoon,
kaysa maging mayaman na ang buhay
ay puno ng kaguluhan.
17 Mas mabuti pa ang mag-ulam
ng kahit gulay lang
ngunit may pagmamahalan,
kaysa sa mag-ulam
ng pinatabang guya
ngunit may alitan.
18 Ang taong mainitin ang ulo
ay nagpapasimula ng gulo,
ngunit ang taong mahinahon
ay tagapamayapa ng gulo.
19 Ang daanan ng tamad
ay puno ng dawag,
ngunit ang daanan ng matuwid
ay malinis na kalsada.
20 Ang anak na marunong
ay ligaya ng magulang,
ngunit ang anak na hangal
ay hinahamak ang magulang.
21 Ang taong walang isip
ay nagagalak sa kahangalan,
ngunit ang taong may pang-unawa
ay namumuhay sa katuwiran.
22 Nabibigo ang plano
kapag walang nagpapayo,
ngunit kapag maraming tagapayo,
magtatagumpay ang mga ito.
23 Nagagalak ang tao
kapag akma ang sagot niya.
Mas nagagalak siya
kung nakakasagot siya
sa tamang pagkakataon.
24 Ang daan patungo sa buhay
ang sinusundan ng taong maalam
at iniiwasan niya ang daan
patungo sa kamatayan.
25 Wawasakin ng Panginoon
ang bahay ng hambog,
ngunit iingatan niya
ang lupain ng biyuda.
26 Kinasusuklaman ng Panginoon
ang iniisip ng masasamang tao,
ngunit nagagalak siya
sa iniisip ng mga taong
may malinis na puso.
27 Ang taong yumaman sa masamang paraan
ay nagdudulot ng kaguluhan
sa kanyang sambahayan.
Mabubuhay naman nang matagal
ang taong hindi nasusuhulan.
28 Ang taong matuwid
ay pinag-iisipan muna ang sasabihin,
ngunit ang taong masama
ay basta na lamang nagsasalita.
29 Malayo ang Panginoon sa masasamâ,
ngunit malapit siya sa matutuwid
at pinapakinggan niya
ang kanilang dalangin.
30 Ang masayang mukha
ay nagbibigay ng tuwa
at nagpapasigla ang magandang balita.
31 Ang taong nakikinig
sa mga turo ng buhay
ay maibibilang sa mga marurunong.
32 Pinapasama ng tao ang kanyang sarili
kapag binabalewala niya ang pagtutuwid
sa kanyang pag-uugali,
ngunit kung makikinig siya,
lalago ang kanyang kaalaman.
33 Ang takot sa Panginoon
ay nagtuturo ng karunungan,
at ang nagpapakumbaba
ay pinaparangalan.