Publicidade

Provérbios 11

1 Kinasusuklaman ng Panginoon

ang nandaraya sa timbangan,

ngunit ang nagtitimbang ng tama

ay kanyang kinalulugdan.

2 Ang taong mayabang

ay madaling mapahiya,

ngunit may karunungan

ang taong mapagpakumbaba.

3 Ang pamumuhay nang may katapatan

ang gagabay sa taong matuwid,

ngunit ang taong mandaraya

ay mapapahamak

dahil hindi tama ang kanyang pamumuhay.

4 Ang kayamanan ay hindi makakatulong

sa araw ng paghuhukom,

ngunit ang matuwid na pamumuhay

ay magliligtas sa iyo sa kamatayan.

5 Ang matuwid at walang kapintasang pamumuhay

ay makapagpapagaan ng buhay,

ngunit ang masamang pamumuhay

ay maghahatid ng kapahamakan.

6 Ang pamumuhay ng taong matuwid

ang magliligtas sa kanya,

ngunit ang hangad ng taong mandaraya

ang magpapahamak sa kanya.

7 Kapag namatay ang taong masama,

pag-asa niyaʼy mawawala,

at ang kanyang mga inaasahan

ay mawawalan ng kabuluhan.

8 Inililigtas ng Diyos sa kahirapan ang matuwid,

ngunit ang masamâʼy kanyang pinapabayaan.

9 Ang salita ng walang diyos

ay nakakasira ng kapwa.

Ngunit ang karunungan ng matuwid

ay nakakaligtas.

10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala,

mga taoʼy sumisigaw sa tuwa.

At kapag ang masama ay napapahamak

ganoon din ang kanilang ginagawa.

11 Umuunlad ang isang bayan

sa pagpapala ng mga mamamayang matuwid,

subalit nawawasak ito sa pamamagitan

ng salita ng masama.

12 Ang taong walang pang-unawa

ay kinukutya ang kapwa,

ngunit ang taong may pang-unawa

ay hindi nangungutya.

13 Ang mga taong madaldal

ay nagsisiwalat ng sikreto,

ngunit ang taong mapagkakatiwalaan

ay nakakapagtago nito.

14 Kung walang gumagabay,

babagsak ang bansa,

ngunit tiyak ang kaligtasan

kung maraming tagapayo.

15 Mapanganib ang mangakong managot

sa utang ng iba,

kaya iwasan itong gawin

upang hindi ka magkaproblema.

16 Ang babaeng maganda ang ugali

ay nag-aani ng karangalan,

ngunit ang taong marahas

ay magaling lang sa pag-angkin

ng kayamanan.

Ang taong tamad ay maghihirap,

ngunit ang taong masipag ay yayaman.

17 Ang mabuting tao ay gagantimpalaan

ng kanyang kabutihan,

ngunit hahantong sa kapahamakan

ang taong malupit.

18 Ang masamang tao

ay hindi tatanggap

ng tunay na gantimpala,

ngunit ang gumagawa ng matuwid

ay tatanggap ng tunay na gantimpala.

19 Ang taong gumagawa ng matuwid

ay patuloy na mabubuhay,

ngunit ang taong gumagawa ng masama

ay mamamatay.

20 Kasuklam-suklam sa Panginoon

ang pag-iisip ng masama,

ngunit ang buhay na matuwid

ay kalugod-lugod sa kanya.

21 Ang taong masama,

tiyak na parurusahan,

ngunit ang matuwid ay makakaligtas.

22 Ang magandang babaeng

hindi marunong magpasya

ay parang isang gintong singsing

sa nguso ng baboy.

23 Ang ninanais ng matuwid

ay pawang kabutihan,

ngunit ang ninanais ng masama

ay nagdudulot ng kaguluhan.

24 Ang mga taong mapagbigay

ay lalong yumayaman,

ngunit ang mga taong sakim

ay hahantong sa kahirapan.

25 Ang taong mapagbigay

ay magtatagumpay sa buhay;

ang taong tumutulong

ay tiyak na tutulungan.

26 Isinusumpa ng mga tao

ang nagtatago ng ani niya,

ngunit ang gustong magtinda nito

ay pinagpapala nila.

27 Ang naghahanap ng kabutihan,

siyaʼy mapapaburan,

ngunit ang naghahanap ng kasamaan,

itoʼy kanyang makakamtan.

28 Mabibigo ang taong nagtitiwala

sa kanyang kayamanan,

ngunit ang taong matuwid

ay lalago na parang

sariwang halaman.

29 Ang mga hangal na nagdadala

ng gulo sa sariling tahanan

ay walang mamanahin sa huli.

Magiging alipin lang sila

ng mga taong may karunungan.

30 Ang ginagawa ng mga taong matuwid

ay makakatulong sa iba upang mapabuti

at mapahaba ang kanilang buhay.

At madadala niya ang mga tao

sa pamamagitan ng kanyang karunungan.

31 Kung natatanggap ng matutuwid

ang kanilang gantimpala dito sa lupa,

paano pa kaya ang mga walang diyos

at mga makasalanan?

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_14-04-22-