1 Mas mabuti pa ang mahirap
na namumuhay nang matuwid
kaysa sa hangal na sinungaling.
2 Maging masigasig ka man
ngunit walang nalalaman,
wala rin itong kabuluhan.
Kapag ikaw naman ay pabigla-bigla
madali kang magkakasala.
3 Kamangmangan ng tao
ang nagpapahamak sa kanyang sarili,
at pagkatapos sa Panginoon
ibinabaling ang sisi.
4 Ang mayaman ay maraming kaibigan,
ngunit ang mahirap namaʼy
iniiwanan ng kaibigan.
5 Ang saksing sinungaling ay parurusahan,
at ang nagsisinungaling
ay hindi makakatakas sa kaparusahan.
6 Marami ang lumalapit sa pinunong mabait,
at sa mapagbigay ang lahat
ay nakikipagkaibigan.
7 Ang mahihirap ay iniiwasan
ng mga kamag-anak,
at lalo na ng mga kaibigan.
Kapag sila ay kailangan,
hindi sila matagpuan.
8 Ang taong nagsisikap na magkaroon
ng karunungan
ay nagmamahal sa sarili,
at ang nagpapahalaga
sa pang-unawa ay uunlad.
9 Ang hindi tapat na saksi ay parurusahan,
at ang sinumang nagsisinungaling
ay mapapahamak.
10 Hindi bagay sa taong mangmang
ang mamuhay sa karangyaan,
at mas lalong hindi bagay sa isang alipin
ang mamuno sa mga pinuno.
11 Ang karunungan ng isang tao
ay nagbubunga ng kahinahunan;
ang pagbabalewala sa kasalanan ng iba
ay karangalan niya.
12 Ang galit ng hari ay parang atungal ng leon,
ngunit ang kanyang kabutihan
ay tulad ng hamog na bumabasa
sa mga halaman.
13 Ang anak na hangal
ay kapahamakan
sa kanyang ama.
Ang bungangerang asawa
ay tulad ng tulo na walang tigil.
14 Bahay at kayamanan sa magulang
ay namamana,
ngunit ang Panginoon lang
ang nagbibigay ng maalam na asawa.
15 Kung ikaw ay tamad
at tulog lang nang tulog,
magugutom ka.
16 Mabubuhay nang matagal
ang taong sumusunod sa kautusan,
ngunit ang suwail ay hahantong
sa kamatayan.
17 Ang tumutulong sa mahirap
ay parang nagpapautang sa Panginoon,
dahil ang Panginoon ang magbabayad
sa kabutihang ginawa niya.
18 Ituwid mo ang iyong anak
habang may panahon pa.
Kung hindi mo siya itutuwid,
ikaw na rin ang nagpahamak sa kanya.
19 Hayaan mong maparusahan
ang taong magagalitin,
dahil kapag tinulungan mo
siya nang minsan,
paulit-ulit mo lang siyang tutulungan.
20 Dinggin mo at sundin ang mga payo
at pagtutuwid sa iyong pag-uugali,
at sa bandang huli
ay magiging marunong ka.
21 Marami tayong mga pinaplano,
ngunit ang kalooban pa rin
ng Panginoon ang masusunod.
22 Ang gusto natin sa isang tao
ay matapat.
Mas mabuti pang maging mahirap
kaysa maging sinungaling.
23 Ang pagkatakot sa Panginoon
ay magdudulot ng mahabang buhay,
kasapatan, at kaligtasan
sa kapahamakan.
24 May mga taong sobrang batugan
na kahit ang kumain ay kinatatamaran.
25 Parusahan mo ang mapanuya
upang matutong mag-ingat
ang wala sa katinuan.
Pagsabihan mo ang may unawa
at lalo siyang magiging marunong.
26 Sinumang nagmamalupit
sa kanyang ama
o di kayaʼy nagpapalayas
sa kanyang ina
ay isang anak na sumisira
sa kanyang pangalan
at nagdudulot ng kahihiyan sa bayan.
27 Anak, kung hindi ka makikinig
sa mga pangaral
upang maituwid ang iyong pag-uugali,
tinatanggihan mo ang mga turo
na nagbibigay ng karunungan.
28 Ang saksing sinungaling
ay humahamak sa katarungan,
at ang bibig ng masama
ay lumalamon ng kasamaan.
29 Sa mga mapanuya
ay may hatol na nakalaan,
at hagupit naman ang nakahanda
para sa mga hangal.