Publicidade

Provérbios 27

1 Huwag mong ipagyabang

ang gagawin mo bukas,

sapagkat hindi mo alam

kung anong mangyayari

sa araw na iyon.

2 Huwag mong purihin ang iyong sarili;

pabayaan mong iba ang sa iyo ay pumuri.

3 Ang buhangin at bato ay mabigat,

ngunit mas mabigat na problema

ang idudulot ng taong hangal.

4 Mapanganib ang taong galit,

ngunit ang taong seloso

ay higit na mapanganib.

5 Mas mabuti ang pagsaway

na lantaran,

kaysa sa pag-ibig

na hindi ipinapaalam.

6 Ang masakit na pagsaway ng isang

tunay na kaibigan ay may katuturan,

ngunit ang halik ng kaaway ay hindi maaasahan.

7 Kahit pulot ay tinatanggihan

ng taong busog,

ngunit sa taong gutom

kahit pagkaing mapait ang lasa

ay matamis sa kanya.

8 Ang taong lumayas

sa kanyang bahay

ay parang ibong lumayas

sa kanyang pugad.

9 Ang langis at pabango

ay gaya ng tapat na payo

ng isang kaibigan na nagdudulot

ng kaligayahan.

10 Huwag mong talikuran

ang iyong kaibigan

o ang kaibigan ng iyong pamilya.

Kapag may sakunang nangyari,

huwag kang pupunta

sa bahay ng iyong kapatid;

mas nakakatulong pa

ang malapit na kapitbahay

kaysa kapatid na nasa malayo.

11 Anak, magpakatalino ka

upang ako ay maging maligaya,

at upang may maisagot ako

sa nagpapahiya sa akin.

12 Ang taong maalam ay umiiwas

sa paparating na panganib,

ngunit ang taong wala sa katinuan

ay sumusuong sa panganib,

kaya siya ay napapahamak.

13 Tiyakin mong makakuha ng garantiya

sa sinumang nangakong managot

sa utang ng hindi mo kilala,

upang matiyak mong mababayaran ka.

14 Kapag may bumati

nang pasigaw sa umaga,

kahit na itoʼy isang pagpapala,

ituturing itong sumpa.

15 Ang asawang bungangera

ay parang tumutulong bubungan

sa panahon ng tag-ulan.

16 Hindi siya mapatigil,

tulad ng hanging hindi mapigilan

o kaya ng langis na hindi mahawakan.

17 Kung paanong pinatatalas

ng bakal ang kapwa-bakal,

ang tao namaʼy matututo

sa kanyang kapwa-tao.

18 Kapag inalagaan mo ang puno ng igos,

makakakain ka ng bunga nito.

Ganoon din kapag pinagmalasakitan mo

ang iyong amo,

ikaw naman ay kanyang pararangalan.

19 Kung paanong ang mukha ng tao

ay naaaninaw sa tubig,

ang pagkatao naman

ay makikita sa iyong puso.

20 Ang kapahamakan at kamatayan

ay walang kasiyahan,

gayon din ang hangarin ng tao.

21 Pilak at ginto sa apoy sinusubok,

ang tao naman ay nasusubok

sa pamamagitan ng papuring

kanyang natatanggap.

22 Tadtarin mo man ng parusa

ang taong hangal,

ang kahangalan niya

ay hindi mo pa rin maiaalis sa kanya.

23 Mga hayop mo ay iyong alagaan

at ang kawan mo ay pakabantayan.

24 Sapagkat ang kayamanan

ay hindi mamamalagi magpakailanman.

Maging ang korona ay lilipas

at hindi magtatagal sa habang panahon.

25 Kapag ang dayami ay nawala

at bago na ang mga usbong,

at ang mga damo sa parang

ay natapos nang natipon,

26 ang mga tupa ay magbibigay

saʼyo ng kasuotan,

at ang mga kambing namaʼy maipagbibili mo

sa halaga ng isang bukid.

27 Mula sa mga kambing, makakakuha ka

ng maraming gatas

na sapat sa pangangailangan

ng iyong pamilya

at mga babaeng utusan.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_18-40-07-