1 Ito ang sinabi ng mangangaral na anak ni David na hari sa Jerusalem:
2 "Walang kabuluhan!"
sabi ng Mangangaral.
"Tunay na walang kabuluhan!
Ang lahat ay walang kabuluhan."
3 Ano ang pakinabang ng tao
sa pagpapakahirap niyang
magtrabaho sa mundong ito?
4 Lumilipas ang isang henerasyon
at itoʼy napapalitan,
pero ang mundo ay hindi nagbabago.
5 Sumisikat ang araw
at pagkatapos ay lumulubog;
pabalik-balik lang
sa kanyang pinanggalingan.
6 Umiihip ang hangin sa timog
at pagkatapos ay iihip
naman sa hilaga.
Paikot-ikot lang ito
at pabalik-balik.
7 Lahat ng ilog ay umaagos sa dagat,
pero hindi naman napupuno ang dagat
kahit na patuloy ang pag-agos ng ilog.
8 Ang lahat ng itoʼy nakakabagot
at ayaw na ngang pag-usapan.
Hindi nagsasawa
ang mga mata natin sa katitingin
at ang mga tainga natin sa pakikinig.
9 Ang mga nangyari noon,
nangyayari ulit ngayon.
Ang mga ginawa noon,
ginagawa ulit ngayon.
Walang nangyayaring bago
sa mundo.
10 May mga bagay pa ba
na masasabi mong bago?
Nariyan na iyan noon pa,
kahit noong hindi pa tayo ipinapanganak.
11 Hindi na natin naaalala
ang mga nangyari noon;
ganoon din sa hinaharap,
hindi rin ito maaalala ng mga tao
sa bandang huli.
12 Ako na isang mangangaral ay naging hari ng Israel. Tumira ako sa Jerusalem. 13 Sa aking karunungan, pinag-aralan kong mabuti ang lahat ng nangyayari rito sa mundo. At nakita kong napakahirap ng gawaing ibinigay ng Diyos sa mga tao. 14 Nakita kong walang kabuluhan ang lahat ng ginagawa ng tao rito sa mundo. Para kang humahabol sa hangin.
15 Ang baluktot ay hindi mo maitutuwid
at ang wala ay hindi mo maibibilang.
16 Sinabi ko sa aking sarili, "Mas marunong ako kaysa sa lahat ng naging hari sa Jerusalem. Marami akong alam." 17 Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at kamangmangan, pero nakita kong wala rin itong kabuluhan. Para kang humahabol sa hangin.
18 Dahil habang nadadagdagan
ang kaalaman ko,
nadadagdagan din ang aking kalungkutan.